^

PSN Opinyon

‘Tuyot na, pinipiga pa?’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG PAALAALA ay gamot sa mga taong nakakalimot. Kaya naman kahit sinusulat man namin ang magandang ginagawa ng isang kompanya hindi naman ibig sabihin nito ay bingi at bulag na kami sa mga taong dumadaing ng tulong mula sa kanila. Lalong lalo na kung itoy hindi naaksyonan.

Madalas naming maitampok ang magagandang proyekto ng isa sa pinakakilalang developer sa bansa. Ang Property Company of Friends Inc. o mas kilala sa tawag na PRO-FRIENDS.

Lahat tayo gustong magkabahay tulad na lamang ni Lorilyn Canals na kumuha ng bahay sa PRO-FRIENDS sa Lancaster Imus, Cavite.

Kwento niya Disyembre taong 2013 nang magpa-reserve sila para makakuha ng bahay at lupa. Nagsimula silang maghulog ng equity pagdating ng Pebrero 2014.

“Natapos naman kami ng Setyembre 2015. Maayos naman lahat pero pagdating ng Abril 2015 hindi namin inasahan na ma-stroke ang asawa ko,” salaysay ni Lorilyn.

Kahit hirap sinubukan ni Lorilyn na akuin ang lahat ng gastusin kasama na ang paghuhulog ng equity dahil sa kagustuhan din nilang magkaroon ng sariling bahay.

Bandang huli hindi na nakaya ni Lorilyn dahil sa pagpapagamot pa lang ng kanyang asawa ay malaking halaga na ang nagugugol nila. Idagdag mo pa ang mahigit isang taong gulang nilang anak. Nagdesisyon siyang huwag na lang ituloy ang pagbili ng bahay.

“Isa pa pong dahilan hindi na rin ako qualified na umutang sa bangko o Pag-ibig. Nag-request na lang ako ng refund sa PRO-FRIENDS dahil hindi na talaga kakayanin,” salaysay ni Lorilyn.

Ayon daw sa PRO-FRIENDS hindi raw siya maaaring makapag-refund at binigyan na lang siya ng ibang option na ibenta  ang unit na dapat sana ay kukunin nilang mag-asawa.

Hindi niya rin ito natugunan dahil sa ikli ng panahong ibinigay sa kanya. Hindi naman daw ganun kadaling maghanap ng bibili.

“May nakausap ako sa customer service hotline nila pero hindi ko na matandaan kung ano ang pangalan. Nagtanong ako bakit hindi na pwedeng irefund,” sabi ni Lorilyn.

Pebrero 2015 ang natatandaan niyang huling transaksyon sa PRO-FRIENDS. Nag-email na rin siya sa mga ito para mag-request ng refund.

Ang kabuuang halaga ng bahay na kanilang binibili ay Php1,897,560. Nung simula pa lang nagbayad na sila ng sampung libong reservation fee.

Nagkaroon din sila ng promo discount na Php10,000. Kung pagsasamahin lahat kasama ng naibayad na nila para sa equity ay aabot na sa Php320, 256.60.

Ang magiging kulang na lamang nina Lorilyn ay Php1, 577, 303.40.

Malaking halaga na ang nailalabas nila para mabili ang bahay ngunit talagang kahit na anong gawing diskarte ni Lorilyn hindi  niya na kakayanin ang pagbabayad buwan-buwan.

Sa gastusin pa lang ng pagpapagamot ng kanyang asawa malaki na ang kanilang inilalaang halaga. Siya lang din ang kumakayod para sa pang araw-araw nilang pangangailangan.

Noong ika-16 ng Nobyembre 2015 nang mag-email siya sa PRO-FRIENDS ng kanyang kagustuhang mag back-out o makansel ang binibili nilang bahay dahil sa pagkakasakit ng asawa.

Hiniling niya din na kung maaari ay ma-refund nila ang perang naibayad ng pamilya nila para magamit sa pagpapagamot ng asawa.

Sumagot naman sa kanya ang kinatawan ng PRO-FRIENDS at sinabing ang kanyang kahilingan ay ipararating nila sa nakatokang departamento. Dadaan daw sa ebalwasyon at approval ng management. Nangako ang mga ito na agad nilang ipapaalam kay Lorilyn ang magiging desisyon.

Disyembre 2015 nang may mag-email kay Lorilyn at sinasabi nitong naiintindihan man nila ang kalagayang pinansiyal nina Lorilyn dahil sa pagkakasakit ng kanyang asawa, matapos nilang suriin ang mga tala ni Lorilyn hindi raw nila ito mapagbibigyan sa kahilingang makapag-refund.

Sa counselling pa lang daw ay naipaliwanag na sa kanila na ang kusang pag-withdraw mula sa Reservation Agreement ay mapapawalang bisa ang nagawang pagbabayad at ng reservation fee.

Sa halip daw na mag-withdraw si Lorilyn ay magkaroon na lang ng transfer of ownership na limitado lamang sa kapamilya. Dadaan pa sa pag-aapruba nila kung hindi kamag-anak ang paglilipatan.

Binibigyan si Lorilyn ng limang araw mula nang matanggap niya ang nasabing email.

Enero nang ipaalam sa kanyang ‘for cancellation’ na ang kanilang unit dahil sa kagustuhang mag-withdraw ni Lorilyn.

Hanggang ngayon humahanap pa din ng paraan si Lorilyn kung paano makukuha ang perang naibayad na nila sa PRO-FRIENDS. Sa kalagayan ng kanyang mister bumagsak sa kanyang balikat ang lahat ng responsibilidad.

Idagdag mo pa ang mga gamot ng asawa  para maka-recover ito at ang gastusin para sa kanilang anak na isang taong gulang lang mahigit.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sadyang napakalaking kompanya ang PRO-FRIENDS at hindi naman nila ikakalugi kung magpapakita sila ng humanitarian, ang ibalik ang perang naibayad nina Lorilyn na hindi pa naman nila napapakinabangan ang bahay, hindi pa natitirhan at wala pa talagang nawawala sa inyo.

Kayang-kaya niyo namang ibenta ito na hindi niyo mararamdaman ang kurot sa inyong finances.

Sa aming pagtatapos nais naming sabihin na hindi puro lahat kita o pera ang nagpapaikot sa mundo. Makabenta nga ng isang milyong bahay pero kung ang kapalit naman nito ay napisak mo ang buhay ng isang ordinaryong mamamayan.

Sa mga iba pang may katulad na problema gaya nina Lorilyn ang layon namin ay matulungan at maaksyonan ito ng PRO-FRIENDS at hindi para sirain ang kanilang kompanya.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with