^

PSN Opinyon

‘Sigurado na ba?’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

TAPOS NA ANG LABAN ng panunuyo sa isang malaking religious group na Iglesia ni Cristo (INC) dahil nakapili na sila ng susuportahan. Pero ang tunay na laban ay sa mismong eleksyon lang matutuldukan.

Matagal ding naghintay ang mga kandidato lalung-lalo na ang mga tumatakbo sa pagka-Pangulo na ideklara ng Executive Minister ng INC na si Eduardo Manalo ang dadalhing kandidato sa pagka-Presidente at bise Presidente.

Pagkatapos ng pagsamba ng INC ay ibinaba na ang sirkular tungkol sa mga susuportahang kandidato.

Mahigpit na ipinagbabawal sa  kanilang mga miyembro ang mag-endorso ng kahit na sinuman sa mga tumatakbo sa posisyon dahil ang mismong tagapamahalang pangkalahatan ang sasala at mamimili kung sino ang sa tingin nilang karapat-dapat.

Sinumang lumabag siguradong matatanggal sa pagiging Iglesia.

Kilala sila sa ‘voting bloc’ kung sino ang iutos ng pamamahala na iboto at kung sinu-sinong mga kandidato hanggang sa pinaka­mababang posisyon ang nakasulat sa ‘sample ballots’ ay yun lang dapat ang iboboto nila pagdating ng eleksyon.

Pinaalalahanan ni Ka Eduardo ang lahat ng kaanib ng INC  na bumoto ng may pagkakaisa sa darating na Lunes.

Ang opisyal na listahan ng kanilang susuportahan at iboboto sa Mayo 9, 2016, sa pagka-Presidente ay si Rodrigo Duterte, bise si Ferdinand Marcos Jr.

Mula nang mabasa sa pagsamba ang sirkular kanya-kanya ng post sa Facebook ang mga miyembro ng kandidatong kanilang iboboto sa Lunes.

Sa mga senador naman ay sina Joel Villanueva, Frank Drilon, Vicente Sotto, Manny Pacquiao, Ralph Recto, Dick Gordon, Risa Hontiveros, Win Gatchalian, Francis Tolentino, Migz Zubiri, Panfilo “Ping” Lacson at Martin Romualdez.

Inaasahang babasahin ang parehong sirkular na ito sa bawat pagsamba sa Pilipinas at sa ibang bansa at magbibigay sa bawat miyembro ng official sample ballot na mula mismo sa pamamahala.

Base daw ito sa turo sa bibliya ayon kay Ka Eduardo. May paniniwala silang ang turo ay hindi magkaroon ng pagkabaha-bahagi ang mga miyembro at dapat may isa silang pag-iisip at isang paghatol.

Binanggit pa nito ang Corinthians 1:10 at Romans 15:6 “in the name of Jesus Christ, for the glory of God and for the sake of the Church”.

Gaano nga ba kahalaga ang pag-eendorso ng INC sa isang kandidato? May sariling ‘watchers’ ang INC pagdating ng eleksyon para gabayan ang kanilang miyembro at ibigay ang sample ballots. Pero pagdating sa aktuwal na pagboto ay hindi na nila ito maaaring silipin.

Hindi nila kinukwestyon ang desisyon ni Ka Eduardo dahil malaki ang tiwala nila dito. Tinatayang nasa 1.7 milyong miyembro ng INC ang boboto sa darating na halalan.

Malaking bagay ang boto nila dahil may sigurado nang may mga taong boboto sa ‘yokapag suportado ka nila.

Sang-ayon ako sa sinabi ni Mar Roxas na magiging isang magandang laban ang darating na eleksyon. Kumpiyansa din siya na mananalo siya sa darating na halalan.

Kitang-kita namang hati ang suporta ng mga Pilipino sa kung sino ang gusto nilang maging Presidente.

Dagdag niya pa ang dapat daw na maging susunod na Pangulo ay yung disente at magandang ehemplo sa mga kabataan.

“Mananalo tayo dahil hindi tayo korap! Mananalo tayo dahil hindi tayo astang-diktador! Mananalo tayo dahil tayo ay Pilipino. Mga kababayan, mga Boss: disente tayo at totoong mananalo tayo!” ayon kay Mar.

May kanya-kanya tayong pamantayan pagdating sa pagpili ng kandidatong iboboto dahil alam natin na kinabukasan ng ating pamilya ang nakasalalay dito.

Hindi dapat tayo dapat magpaapekto sa mga nangunguna sa survey. Hindi tayo dapat makinig sa dikta ng ating mga kakilala o kapamilya. Kilatisin niyong maigi kung naging tapat ba sila sa pagseserbisyo publiko at wala ba silang itinatagong baho.

Isang video ang kumakalat sa social networking sites na mga sundalong naka-hood na itim na nagsasabing hindi sila papayag na manalo ang isang diktador.

Ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) hindi sila nagbanggit kung sino ang susuportahang kandidato pero parang hindi naman si Duterte ang ieendorso nila.

Bilin nila huwag kayong pipili ng magnanakaw at huwag ninyong pipiliin ang mamamatay tao.

Isa lang ang kahulugan nito hindi ibig sabihin na kapag hindi ka inendorso ng isang malaking grupo ay wala ka ng pag-asang manalo sa halalan.

Parang sa mga survey lang yan na iilang tao lang ang may partisipasyon. Malaking bilang ang populasyon ng bansa kaya’t tulad ng palagi kong sinasabi pagdating ng Mayo 9, 2016, sa mismong eleksyon ay dun na ang ‘finish line’ ng labanan ng mga kandidato.

Sari-saring isyu ang ibinabato nila sa kalabang kandidato masira lang sa paningin ng mga botante at para magmukha silang malinis. Kahit na mga bagay na hindi na dapat inuungkat ay inilalabas pa nila sa media.

Naging napakagulo at napaka-dumi na nitong eleksyong ito na kanya-kanya silang bato ng mga putik sa mga mukha ng kalaban.

Sa ilang nalalabing araw ng pangangampanya asahan niyo na ang pagdayo ng mga kandidato at kanilang mga kinatawan sa inyong lugar.

PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with