^

PSN Opinyon

‘Dalawang Taong Tulog’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

ANG MABIGYAN NG maayos na libing ang pinakanais ng isang pamilya para sa mahal na kapamilya na namayapa na.

“Dalawang taon nang namatay ang mister ko pero hanggang ngayon yung katawan niya hindi pa rin naiuuwi dito sa Pilipinas,” ayon kay Amparo.

Hunyo 18, 2014 pa nang mamatay ang asawa ni Amparo Restar na si Agusto Restar. Nagtatrabaho bilang ‘heavy equipment mechanic’ si Agusto. Sila ang naglilinya ng telepono sa Jeddah.

Ang kanilang kompanya ay ang Al Hanoo Contracting na nasa Riyadh kaya dun nagtatrabaho ang kanyang mister.

Kwento ni Amparo Hunyo 19, 2014 nang makatanggap siya ng tawag mula sa employer ng mister. Ayon dito namatay sa isang ‘road accident’ si Agusto.

“Nangyari ang aksidente habang nasa oras ng trabaho ang mister ko. Nabangga siya ng isang sasakyan habang papunta siya sa site kung saan aayusin niya ang isang makina,” sabi ni Amparo.

Masama daw ang naging tama nito sa itaas na parte ng katawan nito na halos madurog at ‘dead on the spot’. Huminto naman ang may ari ng sasakyan na isang Saudi Citizen at hinintay na dumating ang imbestigador. Matapos itong kausapin tungkol sa ilang mga detalye ay pinakawalan na ito ng pulis.

Sanay na si Amparo na wala sa kanilang tabi ang asawa ngunit ngayong nalaman niyang namatay na ito hindi siya mapakali. Ang tanging ginusto na lamang nila ay maiuwi ito sa bansa para mabigyan ng maayos na libing at makita sa huling pagkakataon.

Hunyo 20, 2014 nang magtungo sila sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang humingi ng tulong para maiuwi ang katawan ni Agusto.

“Pinayuhan kaming magtungo sa OUMWA sa ilalim ng DFA dahil ito raw ang may sakop sa ganitong kaso. Nung mismong araw na yun nagsadya kami sa opisina ng OWWA,” pahayag ni Amparo.

Inakala nilang maliliwanagan na sila kung paano ang tamang pro­seso sa pagpapauwi ng katawan ngunit nadismaya sila nang sabihin nito na ang kanilang trabaho ay tumulong sa benepisyong matatanggap ng namatay na OFW. Magpoproseso lang daw ng benepisyaryo ang mga ito kapag hawak na nila ang ‘death certificate’.

“Mula nang araw na yun palagi kaming nakikibalita sa OUMWA. Umusad naman ang kaso sa pamamagitan ng tulong ng Consular Office natin sa Jeddah,” wika ni Amparo.

Tinatawagan naman sila ng OUMWA kapag may bagong update itong natatanggap.

Bandang Disyembre 2014 ipinaalam sa kanila ng OUMWA na ang kaso ay patuloy pa ring dinidinig sa Saudi Court.

Sa unang mga buwan ng 2015 inimporma sila na ang kaso ay naresolba na at pinoproseso na ang permit sa pagpapauwi sa bangkay.

“May 2015 sabi nila anumang oras ay mapapauwi na ang bangkay pero hanggang ngayon hindi pa ito nangyayari. Hindi raw kasi binayaran ng employer ang morgue na nasa 32,000 Saudi Riyal,” kwento ni Amparo.

Matapos ang ilang negosasyon ng ating Consul Office bumaba ang presyo sa 24,000 SR ngunit hindi pa rin binabayaran ng employer. Naba-bankrupt na raw kasi ang kompanya.

“Magdadalawang taon nang patay ang mister ko hanggang ngayon hindi pa siya naiuuwi. Hindi ako makatulog sa gabi sa tagal ng paghihintay namin,” salaysay ni Amparo.

Hindi na raw nakakapasok ang kanyang mga anak dahil sa pagpanaw na ito ng kanyang asawa. Hindi naman daw ganun kalaki ang kinikita nito sa ibang bansa at maging siya ay naghahanapbuhay para matulungan ito sa pangtustos sa pang araw-araw na pangangailangan.

Nabalitaan nila na nagpadala ang employer nito ng pera sa OUMWA para sa huling sahod at deposito ni Agusto pero hindi naman nila ito makuha hanggang ngayon.

“Hindi kami makakilos para makuha ang benepisyong ito dahil wala akong hawak na death certificate. Sobrang tagal na ng pinaghintay namin. Humihingi po ako ng tulong sa inyo na sana ay masolusyonan ang problema naming ito,” sabi ni Amparo.

Tanong pa ng pamilya paano kung patuloy na hindi magbayad ang employer ni Agusto mananatili na lamang ba siyang nasa morgue at hindi na makakauwi sa kanyang pamilya?

Nais din nilang humingi ng tulong kung maaaring makasuhan ang employer nito sa hindi pagtugon sa tungkulin bilang amo ng namatay.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sobrang tagal na ang dalawang taong paghihintay. Alam nilang patay na ito subalit nasa isang malamig na bangkay sa morgue nakalagak lang ito.

Hindi ganito ang tradisyon nating mga Pinoy. Inihahatid sila sa huling hantungan at hangga’t hindi natin nagagawa ito, pakiramdam natin na hindi natatahimik ang kanilang kaluluwa.

Hindi ito ang unang kaso ng pagpapauwi ng bangkay na aming nahawakan at palagi naming sinasabi na ang dahilan sa pagkakaantala ng mga ito ay ang imbestigasyon na isinasagawa ng mga pulis doon.

Ayos na ang kaso tungkol sa pagkakasagasa kay Agusto imbes na makampante na ang pamilya ay panibagong problema na naman ang kanilang kinakaharap dahil nagmamatigas ang employer sa pagbabayad.

Wala nang ahensya si Agusto dahil balik manggagawa na ito kaya’t nakaatang ang tungkulin ng pagbabayad sa lahat ng bayarin sa morgue sa kanyang employer.

Kung wala ng pera ang employer nagdeklara ba sila ng ‘bankruptcy’ ba sila ng pruweba na nalugi na sila?

Upang matulungan ang pamilya ni Amparo nakipag-usap kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Nangako naman siyang ipaparating niya ito sa embahada natin sa Riyadh at aalamin kung anong tulong ang maibibigay para mapauwi na ang katawan ni Agusto.

Hiniling din namin sa Consul General na si Redentor Genotiva na imbestigahan ang employer na ito na baka lamang nagpapalusot ito para iwas gastos.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with