^

PSN Opinyon

Nasa kaugalian talaga

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

NAPAKAHIRAP nang bumaybay sa mga kalsada ng Metro Manila, dahil sa matinding trapik. At lalong sasama pa ito kapag papalapit na ang Pasko. Ngayon pa lang ay tila Disyembre na ang lagay ng trapik sa lansangan. Oras ang binibilang bago makarating sa patutunguhan. At kung sa akala ninyo ay oras lang ang nawawala, nagkakamali kayo.

Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng National Economic Development Authority (NEDA) at ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong nakarang taon, halos P2.4 bilyong ang nawawala sa trapik araw-araw. Ito ang perang nawawala lang sa trapik. Hindi nakapagtataka na apektado ang negosyo kapag trapik. Mga naaantalang serbisyo, pagdeliber ng mga kalakal at materyales, pati na ang pagpasok ng mga empleyado. Isipin na lang ang laking halaga ng pera sa loob lamang ng isang linggo!

At parang wala ring naitutulong ang coding ng mga sasakyan, dahil karamihan naman at dalawa o tatlo ang sasakyan. Masyado na talagang maraming sasakyan na hindi naman nadadagdagan ang mga kalsadang binabaybayan ng mga ito. Kung sa Metro Manila lang ay sa tingin ko wala nang madadagdagang kalsada, maliban sa planong highway na magdudugtong ng NLEX at SLEX. Pero kailan pa matatapos iyan, at matuloy naman kaya kapag wala na ang administrasyong Aquino?

Hindi rin nakatutulong ang paghuhukay ng mga kalsada para lagyan ng mga mas malalaking tubo para mabilis humupa ang baha at kung anu-ano pa. Kung bakit ngayong­ tag-ulan ginagawa at hindi noong tag-init at walang pasok ang mga paaralan ay hindi ko talaga maintindihan. Ang daming paghuhukay ngayon, na hindi ko naman nakitang ginagawa noong tag-init. Ayaw bang mainitan ang mga kontratista at trabahador? Mas mahal ba ang bayad kapag tag-init? O mas malaki ba ang kita kapag tag-ulan ginagawa?

Sabi nga ng isang bisita ko, hindi niya maintindihan kung bakit nagagalit pa tayo sa trapik dahil dapat nakasanayan na nating lahat. Dapat siya nga ang magalit dahil hindi naman ganyan ang lagay ng trapik sa kanyang lugar sa Amerika. Ang sabi ko naman ay hindi ako sa trapik nagagalit, kundi sa mga sanhi nito, tulad nga ng mga hukay na wala sa tamang panahon, mga papalit-palit na patakaran ng ilang ahensiya ng gobyerno, pati na ang mga drayber na walang karapatang magmaneho para magbanggit lang ng ilan. Napailing na lang siya at sinabing mahirap baguhin ang kaugalian. Tama siya.

vuukle comment

AMERIKA

AQUINO

JAPAN INTERNATIONAL COOPERATION AGENCY

LANG

METRO MANILA

NATIONAL ECONOMIC DEVELOPMENT AUTHORITY

TRAPIK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with