Lolo na-hit and run ng trailer truck
MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lolo makaraang mabundol at masagasaan ng isang trailer truck at takbuhan ng tsuper, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Hindi na naisugod sa pagamutan makaraang halos magkagutay-gutay ang katawan ng biktimang si Ricardo Gingco, 76, ng M.H Del Pilar Street, Brgy. 109, ng naturang lugsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police-Traffic Accident Investigation Unit, naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng madaling araw sa kanto ng C-3 Road at Rizal Avenue Extension habang tumatawid ang matanda ng mag-isa sa naturang kalsada nang biglang mag-berde ang traffic light.
Dahil sa bagal maglakad ng biktima, dito siya nabundol ng isang trailer truck buhat sa Mabini Street. Pumailalim ang biktima sa trak at nagulungan pa dahilan ng agaran niyang pagkasawi.
Sa halip naman na saklolohan ang biktima, tumakas ang hindi nakilalang tsuper patungo sa direksyon ng Quezon City. Inaalam naman ng pulisya kung nakunan ng closed circuit television camera sa C3 Road ang pangyayari upang makilala ang trak at ang tsuper na nagmamaneho nito.
Dinala ang bangkay sa Eusebio Funeral Homes para isailalim sa kaukulang awtopsiya.
- Latest