24 dayuhan timbog sa mga pekeng credit cards
MANILA, Philippines — Arestado ang 24 na dayuhan matapos makumpiskahan ng hinihinalang mga pekeng credit cards sa isang raid sa Dasma-riñas Village sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Ang mga nadakip ay 7 Vietnamese; 2 Russian at 15 Chinese nationals. Ang mga ito ay pawang nakaditine na ngayon sa Makati City Police Station.
Lumalabas sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD), director Police Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., alas-10:30 kamakalawa ng gabi nang salakayin ng mga kagawad ng Makati City Police ang isang lugar sa Paraiso St., at sa Mabolo St., sa Dasmariñas Village ng naturang siyudad.
Ang isinagawang raid ng mga pulis sa naturang lugar ay sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Eugene Paras, ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 58.
Nakumpiska mula sa mga suspect ang mga assorted credit cards, computers, laptops, cellular phones, router, drones, broadband at dangles.
Kasong paglabag sa Republic Act 8484, Access Devices Regulation Act (fraudulent cards) ang kinakaharap ng mga nadakip.
- Latest