Tinanghal na ‘Miss Manila 2017’, beterinaryo
MANILA, Philippines - Kinoronahan bilang Miss Manila 2017 ni Mayor Joseph Estrada ang isang licensed veterinarian sa ginanap na coronation night ng nasabing beauty pageant nitong Sabado, ika-446 na taon ng Araw ng Maynila.
Tinalo ng 22-anyos na si Maria Gail Tobes (Candidate No. 11) ang 29 iba pang kandidata at tumanggap ng P500,000 cash prize. Binigyan din siya ng kontrata ng Viva Live, isang entertainment company.
Ang bagong Miss Manila ay nagtapos na Cum Laude mula sa University of the Eastern Philippines at ipinanganak sa Northern Samar. Sumali na rin si Tobes sa ibang pageants tulad ng Binibining Pilipinas.
Sumunod kay Tobes sa Top 5 ang 1st Runner Up na si Francesca Camargo (Candidate No. 23), 2nd Runner Up na si Diana Mackey (No. 18), 3rd Runner Up na si Sofia Sibug (No. 7), at 4th Runner Up na si Naelah Alshorbaji Almazik (No. 21).
Sa naging star-studded na awarding, sinamahan ni Mayor Joseph Estrada sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Miss Manila 2016 Cristelle Tolentino sa paggawad ng korona kay Tobes.
Hindi naman naitago ni Estrada ang kanyang paghanga kay Tobes, sa pagsasabing ang bagong Miss Manila 2017 ay “beautiful, exquisite, empowered, and full of grace and passion.”
Benipisyaryo ng Miss Manila 2017 ngayong taon ang MARE Foundation na pinamumunuan ng anak ni Estrada na si Jackie Ejercito. Nagsasagawa ng libreng medical mission at iba pang socio-civic programs ang foundation sa Maynila.
- Latest