Pahinante pisak sa 20-foot container van
MANILA, Philippines - Wala ng buhay ang isang 20-anyos na pahinante nang maiangat matapos madaganan ng 20-foot container van habang idinidiskarga ng isang forklift operator, sa Pier 8, North Harbor, Tondo, Maynila, kahapon ng tanghali.
Dead on the spot ang biktimang si Emeterio Beto, binata, residente ng Permanent Housing, Balut, Tondo habang kusang loob namang sumuko ang forklift operator na kinilalang si Sonny de Pedro, 43, may asawa, residente ng San Jose Del Monte, Bulacan. Nakapiit si de Pedro sa Manila Police District-Homicide Section habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng tanghali sa likuran ng Sarah Canteen, sa Slip 9, ng Pier 8, North Harbor.
Bumili lamang umano ng mineral water ang biktima kaya nagtungo ito sa nasabing canteen at dumaan sa Slip 9 nang ilapag ang container na idinidiskarga na dumagan sa kaniya.
Sinabi ng suspek na hindi naman niya nakita na naroon ang biktima nang ilapag ang container kaya naipit ito at hindi agad niya napansin.
Nabatid na delikado umano ang nasabing lugar kaya pinagbabawalan umano ng port authorities ang pagdaan sa slip area.
- Latest