Dating AFP Chief Villanueva kinasuhan ng Ombudsman
MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y maanomalyang P53-M refund sa isang New York based company nang siya pa ang postmaster general noong 2003 ay kinasuhan ng graft ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan si dating AFP chief Diomedio Villanueva.
Kapwa akusado ni Villanueva sina dating Assistant Postmaster General Antonio Siapno nang noo’y Accounting Department acting director Leonido Basilio.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y maanomalyang refund ng P53 milyon na ibinigay ng Phil Postal Corporation (PPC) sa Philpost USA, isang New York-based corporation na may alam sa remailing services sa mga American citizens gamit ang Philippine Postage Indicia.
Sinasabing ang mga respondents ay nagkutsabahan nang i-refund ang $1 milyon o P53 milyon sa isang kumpanya bilang representation ng Terminal Dues paid sa mga naipadadalang sulat sa Royal Mail sa United Kingdom.
Binigyang diin ng Ombudsman na naisagawa pa ng mga respondents ang refund kahit alam ng lahat na ang Philpost USA ay hindi entitled sa refund dahilan para magkaroon ng deficit sa kita ang PPC.
- Latest