Cavs pinadapa ang Clippers; Spurs niresbakan ang Thunder
CLEVELAND — Alam ni LeBron James na maaaring mahubaran ng korona ang Cavaliers sa Eastern Conferece.
Hindi niya ito pinapansin at patuloy na binabago ang istorya ng Cleveland.
“You know I could care less what people say,” sabi ni James. “I’m so far beyond that. I don’t care what people say.”
Kumamada si James ng 39 points at 14 rebounds sa loob ng 46 minuto para akayin ang Cavaliers sa 118-113 overtime win laban sa Los Angeles Clippers.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Cleveland, habang nalasap ng Los Angeles ang kanilang pang-pitong dikit na kamalasan.
Umiskor si Kevin Love ng 25 markers at nagsalpak ng dalawang 3-pointers sa overtime kung saan naglista ang Cavaliers ng 13 points kumpara sa 8 markers ng Clippers.
Tumipa naman si Dwyane Wade ng 23 points at 11 rebounds sa loob ng 37 minuto para sa Cleveland, may 3-1 record sa kanilang road trip.
Pinangunahan ni Blake Griffin ang bumubulusok na Los Angeles mula sa kanyang 23 points, habang humakot si DeAndre Jordan ng 20 points at 22 rebounds.
Nagkaroon ng tsansa ang Clippers na talunin ang Cavaliers sa regulation, ngunit hindi nila ito nagawang makumpleto kasunod ang defensive breakdowns sa overtime.
“They made some big 3s,” wika ni Los Angeles coach Doc Rivers. “You have to give them credit. That’s why they’ve been in a lot of Finals.”
Sa San Antonio, humakot si center LaMarcus Aldridge ng 26 points at nakabangon ang Spurs mula sa 23-point deficit para resbakan ang Oklahoma City Thunder, 104-101.
“The team showed a lot of heart, lot of character by not giving up,” sabi ni San Antonio center Pau Gasol. “By not just saying we’re down by 20 and it’s one of those nights.”
Nagdagdag si Danny Green ng 17 points, habang may 14 markers si Gasol para pigilan ng Spurs ang three-game winning streak ng Thunder.
Nilimitahan ng Oklahoma City ang San Antonio sa season-low na 15 points sa opening period.
Ilang beses nang napakawalan ng Thunder ang mga double-digit leads ngayong season, kasama dito ang 18-point advantage laban sa Boston Celtics sa 94-101 home loss noogn Nobyembre 3.
Isinalpak ni Aldridge ang mintis na tres ni Green para ibigay sa Spurs ang 102-99 abante sa huling 24.2 segundo ng final canto.
- Latest