Douthit delikado pa
MANILA, Philippines - Wala pang katiyakan ang paglalaro ni naturalized player Marcus Douthit para sa Gilas Pilipinas sa 2014 Asian Games sa Incheon, Korea, ayon sa sources.
Inaasahang kukuwestiyunin ng China, Japan, Iran at host Korea ang pagpayag ng Olympic Council of Asia (OCA) at ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) si Douthit bilang kapalit ni na-turalized center Andray Blatche.
Ang Gilas Pilpinas ay sinasabing ‘threat’ sa natu-rang mga superpowers na inaasahang mag-aagawan para sa basketball gold medal.
Nakuha ni Blatche ang atensyon ng mga karibal ng Pilipinas sa Incheon Asiad matapos ang kanyang impresibong pagpapakita sa FIBA World Championship sa Spain kung saan sila nanalo ng isa sa limang laro.
Nakatakdang isagawa ang Technical Meeting sa basketball sa Biyernes kung saan inaasahang tatanggapin si Douthit bilang replacement ngunit para lamang sa isang player dahil posibleng hilingin ng ibang bansa na bawiin ang puwesto ni Blatche.
At mangangahulugan na magkakaroon lamang si Gilas coach Chot Reyes ng 11 players, ang ilan dito ay may mga injuries na nakuha mula sa Seville, Spain.
“Yes, it is a possibility but I hope it won’t happen,” sabi ni Philippine Sports Commission chairman at Chef De Mission Ricardo Garcia sa tsansa ng ibang bansa sa pagkuwestiyon sa pagtanggap ng OCA at IAGOC kay Douthit.
Ngunit bukas ang option Gilas coach Chot Reyes na magpalit ng line up.
“We’re keeping our options open as to our final lineup. We won’t be asked to submit our 12-man roster until September 18 or 19,” wika ni Reyes. “The lineup will depend on who’s healthy. “
Magtutungo ang Gilas Pilipinas sa Incheon sa Setyembre 20.
- Latest