PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

'Pauwi na si itay...'

May mga pasyenteng agaw buhay na ang kalagayan. Anumang gamot o galing ng mga doktor ay tila wala ng magagawa para mailigtas siya. Ang tanging natitirang pag-asa na madugtungan ang kanyang buhay ay maaring maibigay ng mga taong nagmamahal sa kanya na nagdarasal sa kanyang tabi para maganap ang isang milagro. 

Inilapit sa amin ni Laarnilin Lucas, 29 taong gulang ng Guiguinto Bulacan ang sinapit ng kanyang ama na nasa Doha, Qatar. Apat na buwan ng nasa ospital ang ama niyang si Bernardo Lucas, 58 taong gulang. Malubha ang sitwasyon at na-‘comatose’ ito.

“Ang dami na naming nilapitan pero wala namang makatulong sa amin,” sabi ni Laarni.

Si Bernardo ay pitong taon ng nagtatrabaho bilang ‘assistant supervisor’ ng ‘assembly line’ sa kumpanya ng Nissan, Qatar.

Ika- 27 ng Enero 2010 bandang alas-8:00 ng gabi, naka­tanggap ng tawag si Aquilina, asawa ni Bernardo. Isang kasamahan sa trabaho ni Bernardo ang nagbalita sa kanila na inatake daw ito sa puso.

Ikinuwento nito na bandang alas-10:00 ng umaga habang nag ko- ‘coffee break’ sa trabaho bigla na lang nalaglag ang tasa ng kapeng iniinom niya. Namimilipit ito habang hawak niya ang dibdib. Hirap siyang huminga’t nawalan na lang ng malay. Isinugod nila ito sa Hammad Hospital.

“Walang tigil kaming nag-iiiyak. Wala naman kaming magawa dahil malayo si tatay. Mabuti na lang at andun ang kapatid ko na si Luckylin pati ang girlfriend niya na si Ana,” pahayag ni Laarni.

Si Luckylin ay dalawang taon ng nasa Qatar, Nagtatrabaho ito sa Hardees bilang ‘service crew’ habang si Ana naman ay sa ‘sales’ ng Landmark Group of Company. Sila ang nagbabalita ng kundisyon ni Bernardo sa kanilang kapamilya na nandito sa Pilipinas.

Ayon sa mga doktor 80% ng puso ni Bernardo ay nagbara at 20% na lang ang nagpa- ‘function’. Nahihirapan huminga si Bernardo dahilan kung bakit kinailangan siyang operahan. Sumailalim siya sa ‘tracheostomy’ (pagbutas ng kanyang lalamunan kung saan siya pwedeng huminga.). Nasa ‘vegetative state’ (gulay) ang kundisyon ni Bernardo. Saglit niyang nabubukas ang kanyang mata subalit mabilis na bumabagsak ang mga ito.

Nakipag-ugnayan si Luckylin sa Nissan. Nung una, sinabi sa kanya na papupuntahin dun si Aquilina subalit nag-iba ang kanilang isip.

“Nung nakita nila na hindi gumaganda ang sitwasyon ni tatay nagdesisyon sila na pauwiin ito. Isang bagay na matagal na naming gustong gawin dahil dito sa atin maalagaan namin siyang mabuti at baka naman magbago ang kanyang kundisyon,” wika ni Laarni.

 Sinabi ng Nissan na sasagutin nila ang lahat ng gastusin ni Bernardo. Sa kalagayan ni Bernardo delikado na bumiyahe ito na walang kasamang doktor. Pangalawa, hindi papayag ang ‘airlines’ na magsakay ng pasahero na hindi sinasamahan ng doktor at ‘medical attendant’ dahil kung merong mangyari sa eroplano ay responsibilidad nila ito. Nangako ang Nissan sa pamilya Lucas na mapapauwi na si Bernardo sa unang linggo ng Abril.

Ilang araw ang lumipas nagbago ang usapan, Ang sasagutin ng Nissan ay ang pamasahe ni Bernardo lamang. Ang doktor at nurse ay di nila sagot. Aabot ito sa QR6,000 o PhP120,000.

Dahil isang mabuting ama si Bernardo halos lahat ng kanyang sweldo ay buwan-buwan niyang pinapadala sa kanyang pamilya. Ito naman ang ginagamit nila sa pantustos ng kanilang pangangailangan. Kung meron man silang naitabi na ipon mula sa mga padala ni Bernardo ay hindi kakayanin na bayaran ang pamasahe ng doktor at nurse.

“Hind ba tungkulin ng Nissan na maayos nilang ibalik si tatay sa piling namin? Inatake siya habang on-duty at malamang yung kanyang sakit ay ‘work related’, pahayag ni Laarni.

Itinampok namin ang istorya ng pamilya Lucas sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Amin namang inilapit ang kaso ni Bernardo kay Undersecretary Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) na siya namang inatasan ang ating ambassador sa Doha, Qatar na si Ambassador Crescente Relacion.

Nakapanayam namin si Ambassador Relacion sa aming programa. Mabilis ang naging aksyon nila. Nakipag-usap sila sa ‘human resource manager’ ng Nissan para maasikaso ang problema. Isang magandang balita ang sinabi niya dahil nakipagkasundo sa kanila ang Nissan.

Maghahati ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Nissan sa lahat ng gastos sa pagpapauwi. Pagdating naman sa benepisyo, pinaliwanag namin kay Laarni na may batas tayo para dyan pero sa ngayon ang ‘medical evacuation’ ang dapat bigyang pansin dahil yun ang una nilang inilapit sa amin.

Nang akala naming ayos na ang lahat bigla na namang nagkaroon ng problema. Naiparating sa’min ni Luckylin na ayaw sagutin ng Nissan ang mga natitirang araw ng pananatili ni Bernardo sa ospital dahil ang sagot lang nila ay hanggang Abril 22.

Panibagong pakikipag-ugnayan na naman ang ginawa ng aming ‘staff’ na si Aicel Boncay sa mga staff ni Ambassador Relacion.

Base sa impormasyon na kanyang nakuha mula sa pinakahuling ‘e-mail’ na pinadala sa aming tanggapan… Sagot na ng Nissan ang lahat ng gastos sa pagpapabalik dito kay Bernardo pati na ang bayad sa doktor, sa nurse at ang lahat ng ito ay naka ‘schedule’ na sa susunod na linggo.

Si Luckylin naman ay kailangan ng umuwi sa linggo dahil tinawagan na siya ng ‘immigration’ dahil paso na ang kanyang ‘visa’ at baka hulihin na siya dun.

Isang mensahe ang ipinadala ni Laarni sa amin,“Sir Tony kayo na ang bahala. Kawawa naman ang tatay ko dun maiiwan siyang mag –isa. Wala ng titingin sa kanya dun,”

Sinabi namin sa kanya na patuloy naming tutukan ang kaso ng kanyang tatay.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malaki ang respon­sibilidad ng Nissan. Alam naman natin ang epekto ng lead (tingga) sa kalusugan ng tao. Sa araw-araw na nasisinghot ito ni Bernardo, maaring nagbara na ang kanyang ugat na pinagdadaluyan ng dugo papunta sa kanyang puso. Nag-uumapaw ang aming pasasalamat sa mga tunay na bayani kaya umusad ang kaso ng ganitong kabilis. Una na sa Panginoong Diyos na parati kaming ginagabayan. Kay Undersec. Rafael Seguis na palaging nandyan sa tuwing humihingi kami ng tulong para sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa.

Ang ambassador natin sa Qatar na si Crescente Relacion. Ang Labor and Employment Secretary Marianito Roque at ‘welfare officer’ Dayang Dayang Sitti Jaffar.Umaasa kami na makakauwi na rin si Bernardo upang makapiling ang kanyang pamilya at naniniwala kami na kapag nangyari ito madurugtungan pa ang kanyang buhay. (KINALAP NI AICEL BONCAY)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero 6387285. Maari din kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email Address: tocal13@yahoo.com

  • Follow Us: