Mighty Sports sibak sa Dubai basketball tourney
MANILA, Philippines - Muling nakalasap ng kabiguan ang Mighty Sports-Philippines matapos yumukod sa Homenetmen ng Lebanon, 93-100, noong Martes sa 28th Dubai International Basketball Championship sa Al Ahli Indoor Stadium sa Dubai.
Dahil sa kanilang ikaapat na sunod na kamalasan ay tuluyan nang nasibak sa semifinal round ang Mighty Sports.
Bagama’t nagpakita ng magandang laro sina dating PBA stars Gary David at two-time PBA MVP Willie Miller ay hindi pa rin ito naging sapat para iligtas ang koponan.
Bumandera sina Mike Taylor at Lebanese star Fadi El-Khatib para sa Homenetmen.
Nagkaroon naman si Kiefer Ravena ng injury sa kanyang shooting hand sa pakikipag-agawan sa loose ball sa kaagahan ng fourth period.
Hindi makakalaro ang dating Ateneo star sa huling dalawang asignatura ng Mighty Sports.
Naiwanan ang Mighty Sports ng 16 points sa gitna ng third quarter bago nakabangon at nakalapit sa 92-96 agwat galing sa tatlong sunod na free throws ni David buhat sa foul ni El-Khatib.
Nakadikit pa ang Mighty Sports sa 93-96 matapos ang free throw ni David nang matawagan si El-Khatib ng technical foul.
Tumipa si Ginebra import Justine Brownlee ng 20 points, habang nag-ambag si David ng 19 points para sa Mighty Sports.
- Latest