3 sugatan sa tangkang pagkuyog sa arson investigator
MANILA, Philippines - Sugatan ang tatlong lalaki nang tamaan ng bala nang mag-warning shot ang isang arson investigator na kamuntik nang makuyog habang nag-iimbestiga sa naganap na sunog sa isang two-storey commercial-residential apartment, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nagtamo ng minor gunshot wounds ang mga biktimang sina Ezekiel Alvarado, 30, ng no. 2606 F. Juan St., Tondo; Laurence Andaya, 40, ng no. 740 Pampanga St., Tondo; at Leonardo Manuel, 45, ng no. 715 Bulacan corner Juan Luna Sts., Tondo.
Iniimbestigahan naman sa General Assignment and Investigation Section ng Manila Police District si SFO2 Gilbert Cruz, 44, arson investigator ng Manila Fire Bureau.
Sa inisyal na ulat mula sa MPD-Station 7, dakong alas-12:35 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Juan Luna St., Tondo, sa tapat ng nasusunog na apartment.
Sinabi ni Cruz na hindi niya alam kung bakit galit na galit ang mga residente at tangka siyang bugbugin kaya upang depensahan ang sarili ay nagpaputok bilang warning shot.
Mabilis din siyang humingi ng police assistance sa Gagalangin Police Community Precinct (PCP) at sumailalim sa imbestigasyon ng GAIS kung saan isinurender ang kalibre .45 na may serial number na ERC-1612-2-0486-0 at permit to carry na ginamit sa pagpapaputok.
- Latest