Cavaliers at Warriors paborito sa bagong NBA season
CLEVELAND - Ipagdiriwang ni LeBron James at ng Cleveland Cavaliers ang una nilang sports crown sa loob ng 52 taon sa pamamagitan ng pagtataas ng championship banner sa pagbubukas ng 2016-17 NBA season.
Ipaparada naman ng Golden State Warriors si superstar forward Kevin Durant sa pagharap sa San Antonio Spurs sa kanilang balwarte.
Tatayong paborito ang Cavaliers at Warriors at hinuhulaang muling magtutuos sa NBA Finals sa ikatlong sunod na season.
Tinalo ng Cleveland ang Golden State sa nakaraang NBA Finals kung saan bumangon ang tropa ni James mula sa 1-3 pagkakabaon sa championship series.
Samantala, muling pakikinangin nina Chris Paul at Blake Griffin ang Los Angeles Clippers, habang babanderahan nina LaMarcus Aldridge, Kawhi Leonard at guard Tony Parker ang Spurs katuwang ang bagong hugot na si big man Pau Gasol .
Magkakasama naman sina Dwyane Wade, Jimmy Butler at Rajon Rondo sa Chicago at mag-isang dadalhin ni Russell Westbrook ang Oklahoma City matapos iwanan ni Durant.
Sa nakaraang season ay nagposte ang Warriors ng record na 73 wins, ngunit tinalo sila ng Cavaliers sa NBA Finals.
“Our mindset going into this year is knowing that the hunter has now become the hunted,” sabi ni Cavaliers forward Kevin Love. “So we have to approach every game a lot like the last two years, knowing we’re going to get everybody’s best shot.”
Nagtala si James ng mga averages na 29.7 points, 11.3 rebounds, 8.9 assists, 2.3 blocked shots at 2.6 steals a game.
“We’re not satisfied with just winning one championship. We’re not satisfied with just being successful. We want to continue to get better,” wika ni James.
- Latest