'In the name of God, what is God's name?'
Atlantis the Palm, Dubai —
Sa ating paglaki, isa sa natutunan
Ay tungkol sa ating unang mga magulang.
Magmula nga noon hanggang kasalukuyan
Ay hindi na natapos mga katanungan.
‘Di ba n’yo nahahalata at napupuna —
Ang mga alam natin ay ‘di malinaw pa?
May isa pang tanong tungkol kay Adan’t Eba —
Nang sila ba’y ginawa, ilang taon sila?
Kung pagbabasehan ko ang mga numero,
Ang alam lang ng Dios magbilang ng kapito.
Ginawa n’ya mundo sa loob nang ‘sanglinggo —
Bakit ‘di walo, ‘sang dekada o ‘sang siglo?
Kaya kung ito ating mapagkasunduan —
Ang dakilang Dios pito-pito kung magbilang.
Kaya sa edad, tatlo lang pagpipilian —
Katorse, veinte-uno, veinte-ocho — ‘yun lang.
Magkasing-gulang sila at ‘yan ang kutob ko,
At mas matimbang sa ‘kin dalawampu’t walo,
Pag sinuma kasi isa-dalawa-tatlo-
Apat-lima-anim-pito ay veinte-ocho!
Apat na pito nang sila ay maging tao,
Pwede ring dalawang pito o pitong tatlo,
Pero isa lamang ang tanging sigurado —
Hindi pitong pito dahil “menopause” na ‘to!
Malamang iba d’yan tingin sa aki’y bastos,
Kasi ‘di n’yo makita aking pinupuntos.
Kung may mga katanungan dapat may sagot,
Tulad nito: Ano ba pangalan ng Diyos?
Pangalan ng Maykapal ako’y may hinuha,
Pangalan ng mag-asawa kay Boss kinuha,
Pwede n’yong debatehin; tayo’y kanya-kanya,
Dakilang lumikha pangala’y “Adaneba.”
Bago mundo nun at sa’n naman s’ya kukuha
Nang mga ipapangalan kundi sa kanya,
At mga likha nga n’ya sa kanya hinulma,
Ano ba, ano ba, nalimutan n’yo na ba?
Maaaring habol-tanong sa lingkod ninyo —
Kung bakit ‘di pitong pares naging konsepto,
At ilagay sa lahat ng sulok ng mundo —
Alam n’yo sa ‘sang banda pwedeng tama ito.
Nang ako’y nagsisimulang magtrabaho,
Isang komentarista ang nakilala ko —
Siga sa radyo pangalan ay Damian Soto —
‘Yan tingin n’ya kaya’t may puti daw at Negro.
Bakit sari-sari mga kulay ng tao?
May katwiran nga naman kung titingnan mo,
Kaya ubrang yakapin ang punto ni Soto —
Mga unang magulang nati’y pito-pito!
At kung hindi mali ang aking alaala,
Parang tig-isang daan pa nga sinabi n’ya
Na kinalat-kalat sa mundong sariwa pa —
Isang daang adan at isang daang eba.
Sa puntong iyon medyo kami’y nagkaiba,
Parang ang isang daang pares ay sumobra,
Ating balikan pangalang “Adaneba” —
Kung inyong mapupuna, pito lahat letra.
Naku alam ko maraming magrereklamo
Na mga may sariling mga kuro-kuro,
Mga kulto-kulto’t mga relihiyoso —
Ito nama’y sa akin lang, inuulit ko.
Naku po Dios ko, bakit ‘pag tungkol sa iyo
Hindi matapos-tapos ang mga diskurso
Ba’t di na lang libreng magkanya-kanya tayo,
Kung ‘yan gusto mo, bahala ka sa buhay mo!
At meron pa nga akong isang katanungan
At siguradong may maaasar na naman,
Si Bathala ba ay merong mga magulang
O sino ba, kung meron man, sa dios lumalang?
Kung saan na napunta’t nagkasanga-sanga
Ang ating usapan ngunit ako’y nagsaya,
Kahit anong tanong basta’t ang mahalaga
Sa akin, may isang dios ng lakas talaga.
Ano man ang pangalan o tawag sa kanya,
Magbilang lagpas pito hindi man n’ya kaya,
Maaring sa ibang buhay ‘di s’ya makita,
Basta’t ako’y naniniwalang mayroong “s’ya.”
Ang ilang bwisit d’yan t’yak may ihihirit pa,
“Ano ba pareng Joey, eh ‘yun naman pala!”
‘Sarap kasing pumika ng utak ng iba;
Gamitin naman natin, sayang lang, hindi ba?
Makipagniig sa dios, gusto mo rin, ‘di ba?
Ano mang daan — maramdaman o makita,
Tanging tulay at koneksyon natin sa kanya
Ay ang ating utak kung ito ay gagana.
At kung may utak talaga’t naaalala,
Mamayang gabi muli, isang pampagana —
Wow, Mali! muli alas sais paggabi na
Sa tv-5, t’yak na kayo ay matatawa!
Pero bago Wow, Mali! sa bandang umaga,
Ang Takeshi’s Castle ay pahinga na muna,
T’wing Sabado’t Linggo may papalit na muna —
Joey’s Quirky World — kakaiba’t kwelang-kwela.
At dahil dito meron na ngang nagkomento,
“Hindi ka ba natutulog? Ang dami mong show!”
Ang lagi kong sagot sa tanong na ganito,
“’Pag natigok ka, puro tulog gagawin mo!”
- Latest
- Trending