126 bagong PDEA agents, hinamon na maging responsable
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang mga bagong graduates ng PDEA academy na maging responsable sa pagtupad sa kanilang magiging tungkulin sa bansa at maging mabuting lider at tagasunod.
Ang pahayag ay ginawa ni Aquino sa kanyang mensahe para sa may 126 na bagong ahente ng PDEA na nagsipagtapos kahapon sa 10th PDEA Academy commencement exercises na isinagawa sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite City.
Ang mga bagong graduate na kabilang sa Class Maragtala, o nangangahulugang “Marangal na Tagapagligtas laban sa Droga” ay sumailalim sa anim na buwang intensibong pagsasanay sa PDEA Academy.
Bilang minimum requirement, kinakailangan ng mga PDEA graduates na pumasa sa board o sa Civil Service Exam at sa sandaling magsimula nang magserbisyo ay magkakaroon ng Salary Grade 11.
“Be good leaders, be good followers,” paalala pa ni Aquino. Dapat rin aniyang maging marespeto ang mga PDEA agents dahil makasisira sa kanila ang kawalan ng respeto sa kapwa.
- Latest