PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Corrupt sa BIR at Customs barilin’- Digong

Pangulong Rodrigo Duterte
 

Payo sa mga negosyante

DOHA- Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga negosyante na barilin ang manggigipit sa kanila na mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.

Kasabay nito, idiniin ng Pangulo na hindi niya  hinahayaan ang anumang anyo ng katiwalian sa ilalim ng kanyang pamamahala sa Pilipinas.

“Kung meron sa Internal Revenue, Customs na hihingi sa inyo ng kahit P10, barilin ninyo yan,” sabi ni Duterte nang magsalita siya sa Philippine-Qatar Business Forum sa Qatar noong Sabado.

“Iniaalok ko ang Pilipinas hindi lang sa mga pamilyar na negosyante kundi pati na rin sa mi­ning at sa lahat, bukas ito sa lahat. At walang katiwalian. Dahil ang isang bagay na nagpabagsak sa aking bansa sa nagdaang mga taon ay ang katiwalian,” wika pa ni Duterte.

Idinagdag niya na ilan nang opisyal ng pamahalaan ang tinanggal niya sa tungkulin dahil sa pagkakadawit sa katiwalian at kabilang dito ang isang Cabinet member at isang kaibigan. Tinutukoy niya si dating Interior Secretary Ismael Sueno na nasibak dahil sa iregularidad sa pagbili ng mga firetruck sa Australia at dating National Irrigation Administration Chief Peter Lavina na naakusahan ng paghingi ng pera sa contractor.

Samantala, pinayuhan ni Duterte ang mga overseas Filipino workers sa kanyang pagbisita sa Qatar na mag-iskandalo o mag-ingay kapag pinakialamang buksan ng mga airport o customs personnel para sa ins­pection ang kanilang mga bagahe sa pag-uwi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Sa kanyang pananalita sa harap ng libu-libong OFWs sa Lusali Sports Arena sa Doha, Qatar, ipinabatid ng Pangulo na hindi na dumadaan sa inspeksyon ang mga bagahe ng mga OFWs sa kanilang pagdating sa NAIA.

“Kung buksan bag ninyo, you raise hell, make a scandal,” pahayag ni Duterte.

Iginiit ng Pangulo na walang dahilan upang buksan at pakialaman ang mga bagahe ng mga umuuwing manggagawang Pinoy mula sa ibang bansa.

Ito ay kasunod na rin ng mga reklamo ng mga OFWs na nananakawan ng kagamitan o kaya nakikikilan sa tuwing umuuwi at dumadaan sa paliparan sa Pilipinas.

“Wala na iyung Customs, darating ang balikbayan, ‘wag n’yo na pakialaman, hard-earned money ‘yan,” ayon sa Pangulo.

Pinayuhan pa ng Pa­ngulo ang mga customs employees na baguhin na ang kanilang istilo dahil seryoso umano siya sa pagsugpo ng korapsyon hanggang sa pinaka­mababang posisyon sa gobyerno.

Nauna rito, dumating ang Pangulo sa Hamad International Airport sa Doha, Qatar mula Bahrain para sa kanyang ikatlo at huling leg ng kanyang anim na araw na state visit sa Middle East.

Sa kanyang pagbisita sa Qatar, nakipagkita ang Pangulo sa mga Qatari businessmen sa isang forum na layuning makahikayat ng mga mamumuhunan sa Pilipinas at sinundan ito ng pakiki­pagkita niya sa Filipino community sa naturang arena.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: