Poe disqualified
MANILA, Philippines – Diniskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si Senator Grace Poe na tumakbo sa pagkapangulo sa 2016 elections dahil sa isyu ng residency at citizenship.
Ito’y sa petisyong inihain ng abogadong si Estrella Elamparo dahil sa umano’y hindi pagiging natural-born Filipino ni Poe.
Nabatid na pinaboran ng Comelec second division sa botong 3-0 ang petisyon ni Elamparo, na humihiling na kanselahin ang certificate of candidacy sa pagkapangulo ni Poe.
Kinumpirma naman ito ng running mate ni Poe na si Sen. Francis Escudero.
Batay sa petisyon ni Elamparo, nabigo si Poe sa 10-year residency requirement na itinatakda ng Constitution para sa isang presidential candidate.
Lumilitaw sa report ng Comelec second division na naging residente lamang si Poe noong Hulyo 2006 nang maghain ito ng kanyang dual citizenship.
Nangangahulugan lamang na kulang ng dalawang buwan si Poe upang makuha ang 10-year residency rule.
Ang petisyon ni Elamparo ay isa lamang sa apat na petisyong humihiling ng diskuwalipikasyon ni Poe upang tumakbo sa pagkapangulo.
Samantala, mismong ang lawyer ni Poe na si Atty. George Garcia ang nagkumpirma na hindi tinanggap ng Comelec ang COC ni Poe.
Iaapela naman nila ang decision sa Comelec en banc.
- Latest