Dioscora (257)

“DI ba sabi ko sa’yo na madaling mapapaibig ang Dioscora na ‘yun dahil mahilig siya sa mas batang lalaki—at ikaw ay hindi lang bata kundi guwapo pa,’’ sabi ni Simon Pedro na halata sa boses ang kasiyahan dahil natupad ang iniuutos niya kay JC.

“Bilib ako sa’y Jose Crisanto dahil mabilis mong nakilala at napaibig ang babaing iyon. Iba talaga kapag matalino at guwapo. Hindi ako nagkamali sa iyo. Talagang sa iyo ko isasalin ang pamamahala sa aking kompanya. Ginagawa ko na ang mga kasulatan na ikaw ang papalit sa akin.’’

“Salamat Tatay SP.’’

“Teka, kailangang magselebreyt tayo. Uminom tayo, Jose Crisanto. Alam kong hindi ka umiinom pero saluhan mo ako ngayon dahil sa tagumpay na ginawa mo. Puwede, Jose Crisanto?’’

“Sige po Tatay SP.’’

“Salamat Jose Crisanto. Teka at kukunin ko ang pinakamahal kong alak. Galing pa ito sa Espanya—sa mismong distillery. Masasarapan ka sa alak na ito.’’

Tinungo ni SP ang bar para kunin ang alak.

Si JC naman ay natitigilan. Ano kaya ang itatanong sa kanya ni SP. Kailangang hindi siya mahalata.

Sabi ni Mam ­Dioscora, napakatalino ni Simon Pedro.

Maya-maya patu­ngo na sa kinauupuan niya si SP hawak ang bote ng mamahaling alak.

Itutuloy

Show comments