Huling Eba sa Paraiso (177)

‘‘HINDI ka naaalinsa­nganan Marianne?’’ tanong ni Drew habang nananalbos ng pako si Marianne sa pampang. Marami na itong nakuhang talbos para gawing salad.

‘‘Medyo. Mataas na kasi ang araw.’’

‘‘Ako naaalinsanganan. Parang ang sarap maligo sa sapa. Tingnan mo at ang linaw ng tubig. Napakalinis!’’

‘‘E di maligo ka.’’

‘‘Gusto ko kasama ka—sabay tayong maligo.’’

Nagtawa si Marianne.

‘‘Ano ka ba Drew? Para kang bata.’’

‘‘Mas masarap maligo kapag may kasama. Masarap maglunoy. Tara na, Marianne.’’

‘‘Para itong tanga.’’

‘‘Sige na.’’

‘‘Baka may makakita sa atin e kung ano ang isipin.’’

‘‘Sino namang makakakita sa atin e private property ito. Walang ibang makakapasok dito.’’

‘‘Aba malay mo mayroon palang nananalbos ng pako sa di kalayuan. Baka mabosohan tayo. Nakakahiya!’’

‘‘Walang mamboboso sa atin dito. Halika na.’’

‘‘Baka makita tayo ni Tikoy?’’

‘‘Wala si Tikoy. Pinabili ko ng fertilizer sa bayan.’’

‘‘Baka may ibang taong dumaan, Drew.’’

‘‘Wala.’’

‘‘Hindi ka ba nagsasawa na makita ang katawan ko, Drew?’’

‘‘Hindi! Bakit mo naitanong?’’

‘‘Kasi matagal mo nang nakita ang katawan ko. Noon pa di ba? Nananalbos ako ng pako nun nang una mo akong makita na naliligo sa sapa. Akala mo hindi ko alam ha?’’

Hindi makapagsalita si Drew. Nagulat siya. Alam pala ni Marianne ang ginawa niyang paninilip.

‘‘Nasa damu­han ka at nakasilip­ habang naliligo ako. Katatapos ko lang manalbos nun. Ma­alinsangan din nun kaya ipinasya kong maligo. Bawat galaw ko, nakasubay­bay ka. Halos hindi ka na siguro humi­hinga.’’

Hindi makapag­salita si Drew. Tama si Marianne. Nasubaybayan nga niya ang bawat galaw nito habang naliligo.

(Itutuloy)

Show comments