Black Pearl (93)

“KUNG halimbawa at hindi pala ako magka­kaanak, Frankie, anong gagawin mo? Iiwan mo ako?” tanong ni Ri­na na may pag-aalala.

“Bat naman gan­yan ang tanong mo?”

“Wala lang. Kung sakali nga lang at hindi pala kita puwedeng bigyan ng anak e anong gagawin mo?”

“E di ganito pa rin tayo. Ano namang ga­gawin ko?”

“Iiwan mo ako. Si­yempre magsasawa ka dahil hindi kita ma­bigyan ng anak. Alam ko, may mga lalaking mas mahalaga sa ka­nila may maipag­ma­ma­laking anak.”

“Puwede namang mag-ampon. Ba’t si Fer­nando, nakapag-am­pon. E kung wala talaga tayong magaga­wa e bakit natin pipilitin.”

“Kasi’y natatakot ako, Frankie.”

“Na baog ka?”

“Oo.”

“E ba’t hindi muna tayo magpa-check-up para malaman ang to­too? Mahirap yung nanghuhula lang.”

“Natatakot ako Fran­kie. Baka nga totoo ang kutob ko na may depe­rensiya ako.”

“Hindi natin malala­man hangga’t hindi ku­mukunsulta sa doctor.”

“Ayaw kong mala­man ang totoo, Frankie. Natatakot talaga ako.”

“Malay mo ako pala ang may deperensiya at hindi ikaw. Mag-iisip ka nang mag-iisip na ikaw ang may depere­siya e hindi naman pala.”

“Huwag na tayong magpa-check-up Fran­kie, puwede?”

Naunawaan ko na­man si Rina. Talagang may mga taong ayaw malaman ang katoto­hanan. Maraming katu­lad ni Rina. Siguro, lu­makas ang kutob niya na baka siya ang may deperensiya dahil hindi sila nagkaanak ng una niyang asawa. At ma­sakit nga, nalaman ni­yang dalawa pala ang anak nito sa ibang ba­bae. Siguro kaya nag-anak sa iba e dahil nag­duda na hindi niya ka­yang mag-anak.

“E magtatanim lang ako nang magtatanim ng talong Rina?” ta­nong kong nakangiti.

“Oo. Malay mo, ka­ta­tanim mo e may ma­buhay.”

“Sige dalasan ko pa ang pagtatanim sa bukid na basa.”

“Siguro hindi pa lang natin natitiyempuhan. Lagi rin kasi akong pa­god,” sabi pa niyang nag­papalakas pa ng loob.

“Siguro nga.”

Pero kahit na sunud-sunod ang aking pagta­tanim sa malusog at mamasa-masang kalu­paan, walang mabuhay na tanim. Pinag-iingat ko na ang pagtatanim at kung anu-ano pang multi-vitamins ang ini­inom ko para lalong sumigla ang punla e wala ring mangyari.

Hanggang minsan, sa isang pagbaba­kasyon namin sa Pi­nas pagkaraan ng ilang taon, lihim akong nagpa-check-up sa isang doctor. Gusto kong makatiyak.

(Itutuloy)

Show comments