TOTOO ngang buntis si Tina. Nagpa-check-up siya kinabukasan. At hindi na mailarawan ang kasiyahan sa mukha ni Sadik. Sa wakas ay magkakaroon na rin siya ng anak. Ang matagal nang inaasam ay magkakaroon na ng katuparan.
Mabilis na lumipas ang mga buwan at manganganak na si Tina. Sa ospital din na pinanganakan ko siya manganganak. Excited si Sadik sa panganganak ng asawa. Talagang hindi nila ipina-ultrasound para sorpresa ang magi-ging anak.
Kasama ako ng dalhin sa ospital si Tina. Habang nasa delivery room si Tina ay hindi mapalagay si Sadik. Parang may sili ang puwit dahil hindi malaman kung uupo o tatayo.
Makalipas ang isang oras ay ibinalitang ng attending doctor na nanganak na si Tina. Ang doctor ay isang Egyptian. Isang malusog na baby boy daw ang anak. Pagkarinig ni Sadik sa sinabi ng doctor ay naglulundag. "Ma-as salama! Ma-as salama!"
Lalo pang naging masaya ang loob ng aming bahay makaraang ipanganak ni Tina ang kanilang panganay.
Makaraan ang isang taon ay nakuha rin naman ni Sadik at Tina ang anak na si Trish sa Pilipinas. Kumpleto na ang pamilya.
Kami ni Susan ay para namang hindi mga katulong sa bahay na iyon kundi mga kapatid nina Sadik at Tina. Para rin kaming may sariling bahay na nagagawa ang anumang gusto. Iyon naman ang gusto ni Sadik. Sa bahay daw niya ay hindi kailanman magkakaroon ng mga pang-aapi. Kung sa ibang bahay daw ay itinuturing na alipin ang mga katulong at minamaltrato, sa bahay niya ay hindi. Hindi raw mangyayari ang masamang ugaling ganoon sa kanyang bahay. Naniniwala raw siya na ang isang tahanan na puno ng pagmamahalan ay magkakaroon ng magandang kinabukasan. At naniniwala ako sa sinabi ni Sadik.
(Itutuloy)