Ebo at Adan (ika-98 na labas)

(Batay sa kasaysayan ni D.M.L.)

MASARAP na tanghalian ang pinagsaluhan namin. Para bang pinagtiyap ng pagkakataon na maraming pinamili ng araw na iyon si Joan. Napakasarap ng kare-kareng niluto ni Joan. Mas masarap pa yata sa niluto niya noon na pinagmulan pa ng pagtatampo niya dahil hindi ako nakauwi nang maaga. Ibang klase rin ang bagoong. Nagluto rin ng sinigang na sariwang talakitok. Mabangung-mabango ang kanin na parang bagong ani. Masarap ang mga himagas na minatamis na ube, kalamay-dampa at kung anu-ano pang pagkain nakalagay sa mesa.

"Kaninang umaga, hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit naisipan kong bumili ng mga pagkaing ganito..." sabi ni Joan.

"Siguro’y na-ESP kita, no?"

"Baka nga. Hindi kasi ako ganito karaming mamalengke. At saka bihira akong magluto ng kare-kare rito. Dalawa lang kasi kami ni Minda..."

"Kanina akala ko, walang tao. Naisip ko naman na baka tulog ka pa."

"Maaga akong nagigising dito."

"Anong ginagawa mo?"

"Wala. Nakaupo lang ako diyan sa balkonahe at nakatanaw sa dagat. Pinanonood ko ‘yung mga mangingisda na pauwi na galing sa laot. Ang gandang pagmasdan dahil pawang ilaw lang makikitang patungo sa dalampasigan..."

"Gusto kong makita iyon."

"Kaya mong manirahan dito, Dan?"

"Ako pa?"

"Baka nagbibiro ka lang, Dan."

"Hindi. Gusto ko dito na tayo tumira, habampanahon..."

Ngumiti si Joan. Pagkuwa’y nilagyan pa ako ng minatamis na ube sa platito.

"Busog na ako," sabi ko.

"Kainin mo ‘yan! Magagalit ako kapag hindi mo ‘yan kinain."

Pagkatapos kumain ay sa balkonahe kami nagpahinga. May dalawang tumba-tumba roon. Mula sa kinaroroonan namin ay tanaw na tanaw ang asul na dagat. Tahimik na tahimik. Ang hangin na tumatama sa aming mga mukha ay sapat na para sabihing masarap mabuhay sa lugar na iyon. Damang-dama ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos.

Sabay kaming nakatulog ni Joan.

Dakong alas-singko ay niyaya ako ni Joan na mamasyal sa dalampasigan.

"Tamang-tama ang ganitong oras. Malamig na ang araw. Mamaya lamang ay makikita na natin ang paglubog," sabi ni Joan. Magkahawak kamay kaming naglakad sa dalampasigan. Humahalik sa aming mga paa ang malamig na tubig.

(Itutuloy)

Show comments