(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)
MULA sa kinauupuan ay natanaw ko si Kuya Jeff. Naka-red t-shirt at pantalong maong. Sakbat ang kulay itim na bag at may bitbit na plastic bag. Kagagaling lamang sa Immigration counter. Bago makalabas ay kailangang dumaan muna siya sa mababagsik na Immigration police na mag-iinspeksiyon sa laman ng kanyang bag. Ipinatong niya ang mga bag sa table na nasa harapan ng police.
Nasundan ko ng tingin kung paano siya inutusan ng isang airport police para buksan ang dalang mga bag. Kahit na malayo nakita kong kinakabahan si Kuya Jeff. Hindi mapakali na para bang kung ano ang gagawin. Ipinalabas ng police ang lahat ng laman ng bag. Mga damit, diyaryo, sabon, pang-ahit at kung anu-ano pa ang nakita kong inilabas. Ang diyaryo ang dinampot ng Saudi at inihiwalay sa karamihan. Binuklat. Inisa-isa ang pahina at pagkaraan ay ipinasa sa ibang Saudi.
Nakita kong inatasan na si Kuya Jeff na likumin ang mga nagsabog na laman ng bag. Ipinababalik na sa lalagyang bag. Nagkukumahog si Kuya Jeff sa pagsisilid ng mga gamit. Pagkatapos ay may tinanong ito sa Saudi. Ang diyaryo marahil ang tinatanong.
Binulyawan siya ng Saudi at pinaaalis na. Itinuro ang patungo sa arrival area. Kakamut-kamot ng ulo si Kuya Jeff pagkatapos.
Hindi ko hinihiwalayan ng tingin si Kuya Jeff at baka mawala sa karamihan. Tumayo ako nang malapit na itong lumabas sa malaking salaming pintuan.
"Kuya Jeff! Kuya Jeff!" tawag ko.
Nagpalinga-linga ito. Hindi marahil malaman kung saan nanggaling ang sigaw.
"Dito Kuya Jeff!"
Saka lamang ako nakita.
Siya na ang lumapit sa akin. Bahagya nang nawala ang kaba nang makita ako. Para bang nagkaroon ng kakampi at pagsusumbungan.
"Kanina ka pa?" tanong na parang nahihiya.
"Oo."
"Yung diyaryo kong pasalubong sa íyo kinuha roon sa loob," sabi.
"Hayaan mo na yun. Me mga bold siguro sa cover kaya kinuha."
(Itutuloy)