NANGIBABAW ang boses ni Tatay sa bagsak ng ulan sa aming bubungan. Hindi na ako hinintay na makapagpalit ng damit. Basa ang aking balikat at ang laylayan ng aking palda ay basa rin dahil sa malakas na ulan. Hindi na niya inintindi ang kalagayan ko ang mahalaga lamang ay maidaos ang kanyang pagkahari.
"Marunong ka nang magsinungaling. Wala kang ipinagkaiba sa kapatid mong malandi!"
"Tatay, nagsasabi po ako ng totoo. Hindi po ako nakikipagligawan."
"Tang-ina ka huwag ka nang magsinungaling!"
At bago pa ako nakakilos ay nasampal na ako sa pisngi. Malakas.
"Kapag inulit mo pa yan, hindi lamang yan ang tatanggapin mo sa akin. Hindi ako nagpapakahirap maghanapbuhay at paaaralin ka para lamang makikipagligawan sa kalye."
Umiyak ako nang umiyak.
"Sino ang lalaking iyon?"
Hindi ako umimik. Para ano pa gayong nasaktan na niya ako.
"Hindi ka sasagot?"
Saka lamang biglang lumabas si Dang sa kuwarto. Para bang matagal na siyang nakikinig at nakikiramdam din. Gusto akong tulungan ni Dang para hindi muling masaktan ni Tatay.
"Hindi po siya nanliligaw. Anak siya ng tindera sa palengke at pinasukob lamang ako sa payong niya. Nagkasabay po kami sa dyipni."
"Ang galing mong mag-imbento. Katulad na katulad ka ng kapatid mong malandi."
Akma akong lalapitan pa pero mabilis na nakalapit si Dang at pinigil si tatay.
"Tama na po. Nagsasabi ng totoo si Ate Marisol. Huwag mo siyang saktan Tatay."
"Umalis ka diyan. Kailangan sa mga malandi para hindi agad mag-asawa ay pinatitikim ng masakit na sampal para matakot."
Si Inay naman ang nakita kong sumugod at pinigil si Tatay.
"Maawa ka sa anak ko. Matagal na siyang naghihirap sa iyo."
(Itutuloy)