Principal patay sa ambush!

MANILA, Philippines — Isang elementary school principal ang patay makaraang paulanan ng bala ang SUV na kanyang si­na­sakyan ng hindi pa kila­lang armadong kalalakihan sa naganap na ambush sa highway ng Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules ng umaga.

Sa ulat ni P/Lt. Mohammad Ali, hepe ng Datu Saudi Ampatuan Mu­nicipal Police Station (MPS), kinilala ang nasawing biktima na si Dr. Dionel Villavito Mahusay, Ed.D., principal sa Datu Pendililang Piang Elementary School sa Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan.

Bandang alas-7:30 ng umaga nang mangyari ang pananambang sa biktima habang minamaneho nito ang kanyang kulay abong minivan papasok sa kanilang eskuwelahan sa nasabing lugar.

Habang bumabagtas ang minivan ng biktima sa Brgy. Salbu ng bayang ito nang paulanan ng bala ng mga armadong salarin ang behikulo nito, may 50 metro ang layo mula sa tahanan ng biktima.

Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang agarang kumitil sa buhay nito habang mabilis na nagsitakas ang mga salarin. — John Unson, Doris Franche-Borja

Show comments