MANILA, Philippines — Nagtala ng 10 volcanic earthquakes ang Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras, ayon sa latest monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ng Phivolcs na nagtala rin ang bulkan ng pagluwa ng nasa 1,494 tonelada ng asupre at katamtamang pagsingaw na napadpad sa timog-kanluran at kanluran-hilagang kanluran ng bulkan. May pamamaga rin ang bulkan na may panandaliang pag-impis sa hilagang-silangan
Dulot nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng publiko sa loob ng anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang aircraft sa tuktok ng bulkan dahil sa inaasahang pagguho ng bato, pagtilamsik ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava at Uson, at katamtamang pagputok.
Ang Bulkang Mayon ay nasa ilalim ng Alert Level 3 na nangangahulugan na may mataas na aktibidad ang bulkan.