MANILA, Philippines — Sobrang madugo raw ang Shake, Rattle and Roll Extreme, ‘yun ang initial reaction ng nakapanood ng pelikulang ito. Maaaring ito ng dahilan kung bakit R-16 ang ibinigay na classification ng MTRCB.
Pero kahit madugo siya o bayolente, type na type pa ring panoorin ng mga manonood lalo na ng mga kabataan.
Isang showbiz celebrity mom ang naloka nang sinamahan daw niya ang anak niyang manood ng prequel ng Hunger Games. Rated PG ito, pero sobrang bayolente raw sa pananaw ng isang nanay.
Enjoy na enjoy raw ang mga bata sa ganun kabayolenteng pelikula. Kaya malakas ang feeling naming mag-hit din itong SRR Extreme ng Regal Entertainment dahil type na type raw ng mga kabataan ang mga bayolente at madugong pelikula.
Abangan natin ang showing nito sa Nov. 29.
Pero bago ang showing nito, magkakaroon muna ng premiere night sa SM Megamall sa Nov. 24 at sa Nov. 26 naman sa Market Market.
Samantala, sa aming pakikipagtsikahan kay Iza Calzado na bida sa Glitch episode ng SRR Extreme, sobrang tuwang-tuwa siyang ibinibida sa amin ang pagka-cute ng anak niyang si Deia Amihan. Hindi malayong magkainteres itong mag-showbiz dahil nakikita na raw niya ngayon sa murang edad pa lang.
Ngayon nga ay feel na feel na ni Iza ang magiging stage mother. Pero kinumusta na rin namin sa aktres kung keri pa ba niyang sundan si Deia.
Naalala naming meron pa siyang naka-store na embryo na ipa-IVF sana niya. Pero biniyayaan sila ng Panginoon ng Deia, kaya sobrang nagpapasalamat sila.
Hindi pa niya masagot kung paplanuhin na ba nila ni Ben Wintle na sundan si Deia Amihan.
Naka-standby lang naman daw ang embryo na ipina-store nila.
Sobrang na-enjoy na niya kay Deia ang pagiging nanay. Kaya malay natin baka ibibigay pa sa kanila ng Panginoon ng isa pa para may kapatid ang kanilang anak.
Herlene, nakipagtapatan kay Coco
Kahit paano, may naitulong din si Herlene Budol sa pagpasok niya sa Black Rider. Hindi naman maitatangging rater itong si Hipon Girl, kaya nga bigla siyang isinali sa action drama ni Ruru Madrid bilang pantapat sa Batang Quiapo ni Coco Martin.
Nung Lunes, Nov. 20, nung pumasok si Herlene sa Black Rider tumaas naman ang rating nito. Bagama’t hindi pa rin niya natalo ang Batang Quiapo, pero medyo dumidikit na. Ayon sa NUTAM, naka-13.1 percent ito at ang Batang Quiapo ay 15.8 %.
Hindi rin kasi nagpapabaya itong kay Coco, talagang ang dami pa niyang naiisip na gawin para maging kapana-panabik ang kwento ng kanilang serye.
Tingnan natin kung itutuluy-tuloy dito si Herlene dahil ang dami naman talagang interesadong panoorin siya. Malapit na rin siyang mag-taping sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis. Pero special participation daw siya roon dahil kasali pa rin sina Beauty Gonzalez at Max Collins.
Isa sa masaya para kay Herlene ay ang dati niyang manager na si Wilbert Tolentino.
Nakatsikahan ito ng ka-PEP Troika kong si Jerry Olea sa isang event, at sinabi ni Wilbert na tuluy-tuloy pa rin ang komunikasyon nila ni Herlene kahit hindi na niya ito mina-manage.
May handler na ngayon si Herlene sa Sparkle ng GMA Artist Center, pero sa 2024 pa siya official na talent ng naturang talent management arm ng GMA 7.
Pero kapag may mga nag-i-inquire daw kay Wilbert ng project for Herlene, kaagad na ibinabato na niya ito sa Sparkle. Pinayuhan na rin daw ni Wilbert si Herlene na huwag munang mag-lovelife dahil ang ganda-ganda ng career niya ngayon.
Mabuting mag-focus muna siya sa kanyang trabaho, dahil noon pa man ay gusto na raw talaga nitong maging aktres.
Pero kahit super deny si Rob Gomez tungkol sa kanila ni Herlene, may mga naririnig pa rin kaming kuwento tungkol sa dalawa. At meron pa rin daw na umaali-aligid ngayon sa sexy star. Ewan ko lang kung ini-entertain ito ni Hipon Girl!