^

PSN Showbiz

Aktres na nakikipagpatayan para sa mga anak sa serye, hindi man lang maalalang dalawin ang tunay na mga anak

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Mahabang panahon ding nagsama bilang mag-asawa ang isang male personality at ang isang kilalang aktres. Nagkaroon sila ng mga anak, pero dumating ang pagtatapos ng kanilang relasyon, may kani-kanyang buhay na sila ngayon.

Nu’ng magkasama pa sila ay dumaan sila sa kahirapan, walang trabaho ang female persona­lity, magkaroon man ng proyekto ang lalaking personalidad ay paminsan-minsan lang.

Kuwento ng aming source, “Di nga ba, kilalang-kilala sila nu’n sa subdivision na tinitirhan nila sa pagbili lang ng mga lutong pagkain? Madalas ding makita ang aktres at ang mga anak nila na kumakain sa mga turo-turo sa labas ng subdivision.

“May katamaran kasi ang girl, hindi marunong magluto, kaya nasanay na silang kumain na lang ng luto nang food na binibili nila,” unang sultada ng aming source.

Maayos na ang buhay ng dating mag-asawa ngayon. Ang nakarelasyon ng male personality ay yayamanin, ang aktres naman ay may karelasyong pulitiko ngayon, kumusta naman ang kanilang mga anak?

Malungkot na kuwento uli ng aming source, “’Yun na nga. Hindi nila kasama ang mga anak nila na pareho pa namang babae. Hindi kasama ng tatay ang magkapatid, hindi rin kinuha ng nanay.

“Nakatira sila ngayon sa isang apartment na silang magkapatid lang ang nandu’n. Wala silang kasambahay, silang dalawa lang ang namumuhay, kaya naaawa ang mga kapitbahay nila sa magkapatid,” rebelasyon ng aming source.

Ang nakikita lang na dumadalaw sa magkapatid ay ang kanilang ama, kahit minsan ay hindi pa nakikita ng mga tagaroon ang aktres, malaking tanong ‘yun para sa mga kapitbahay ng mag-utol.

“Nu’ng minsang dumalaw ang father nila kasama ang karelasyon niya ngayon, e, touched na touched ang mga kalapit-apartment ng magkapatid. Kinausap daw sila ng girlfriend ng male personality na pakitingnan-tingnan na lang ang mag-utol, dahil parang anak na rin ang turing niya sa magagandang anak ng aktor at ng ex niyang aktres.

“Bakit kaya hindi man lang naman puntahan ng female personality ang mga anak niya? Bakit nagpapapunta lang siya ng maid na magdadala ng mga needs ng mga anak niya?

“Nakakaawa naman ang mga anak nila, namumuhay nang silang dalawa lang, samantalang puwede naman silang kunin ng nanay nila? Naku, ha? Nakakaloka lang dahil kabaligtaran ng role niya sa isang serye ang mga ginagawa niya!

“Du’n sa palabas, e, ipinaglalaban niya ang anak niya, ipinakikipagpata­yan niya sa istorya, pero sa totoong buhay, e, kabaligtaran naman nu’n ang mga ginagawa niyang pagpapabaya sa mga anak niya!” naiinis na nalulungkot na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kasal nina Ara at Dave, kumpirmadong hindi tuloy

Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay nakarating sa amin ang impormasyon na hindi na matutuloy ang pagpapakasal nina Dave Almarinez at Ara Mina sa April 28 na gaganapin dapat sa Baguio.

‘Yun pala ang dahilan kung bakit nagtatanu­ngan ang mga magnininong at magnininang sa kanila kung matutuloy pa ba ang kasal dahil ni motif ng kanilang kasalan ay hindi nila alam.

Ayon sa aming source, “Postponed muna ang kasal. Nag-aalala sila sa mga nangyayari ngayon, pataas nang pataas ang nagkakaroon ng virus. Baka raw magkaroon ng hawahan kapag itinutuloy nila ang kasal.”

Pandemya ang ibinigay na dahilan nina Dave at Ara, na tama lang naman, ipagpapahintay raw muna nilang maging maayos ang sitwasyon bago nila ituloy ang kanilang pagpapakasal.

Tanong ng aming source, “Parang may kababawan ang reason nila! Bakit sina Luis Manzano at Jessy Mendiola, e, nakapagpakasal naman kahit sa gitna ng pandemya.

“Kung ang pag-ayos ng sitwasyon ang hihintayin nila, e, kailan pa ‘yun? Mismong mga dalubhasang doktor na ang nagdedeklara na hindi pa magiging safe ang bayan natin sa COVID-19 in five years?

“’Yun ba ang hihintayin nila? Five years or more pa? Parang hindi ‘yun ang tunay na dahilan,” tanong-opinyon ng aming kausap.

Baka naman bago dumating ang petsang April 28 ay magdesisyon pa ring ituloy nina Dave at Ara ang kanilang kasal para huwag na silang pagdudahan pa.

Kung ayos na ang kanilang mga dokumento, kung nakahanda na ang lahat-lahat ng kailangan ay puwede pa rin naman silang magpakasal, lalo na’t hindi naman sakop ng ECQ ang Baguio at hanggang sa April 11 lang naman ang sakop ng bagong kauutusan?

Hintayin na lang natin ang susunod na kabanata sa kasalang Dave Almarinez-Ara Mina. Marami pang maaaring maganap sa pagitan ng petsa ngayon at sa April 28 na itinakda nilang araw ng kanilang paghaharap sa altar.

 

vuukle comment

ACTRESS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with