Aktres, kasama na sa koleksyon ng mga babae ng aktor!
Napakabilis kumalat-umikot ang kuwentong natuldukan naang dating nilalanggam na relasyon ng isang showbiz couple. Kung gaano sila kalambing nu’n sa bawat isa ay hiwalayan agad ang istoryang pinagpipistahan tungkol sa kanila.
Malaking palaisipan para sa marami ang lumabas na balita, ano raw kaya ang naging dahilan ng kanilang hiwalayan, palagi na lang daw bang ganito ang magiging takbo ng pakikipagrelasyon ng hunk actor na bumibida sa kuwento?
Reaksiyon ng isang source, “’Yung pagbubura ng mga pictures sa account, isang sign na ‘yun na may problema talaga ang magkarelasyon. ‘Yung pag-unfollow ng isa sa kanila sa account ng isa, lalong malinaw na reason ‘yun na may problema nga sila.
“Kapag ganu’n ang nangyayari, naiisip talaga ng mga followers nila na meron ngang problema!” unang kuwetong aming source.
Ganu’n mismo ang nangyari sa magkarelasyon. Binura ng sexy female personality ang mga retrato nilang magkasama ng hunk actor na palatandaang meron nga silang pinagdadaanang problema ngayon.
Balik-chika ng aming impormante, “Nakakaawa naman ang girl kung totoo nga ang kuwentong umiikot ngayon. Napabilang din siya sa collection ng male personality.
“Palagi kasing ganu’n ang takbo ng pakikipagrelasyon niya, napakainit sa una, pero biglang lumalamig na sa bandang huli. Ganu’n din ang nangyari sa mga dati niyang karelasyon, di ba?
“Nakakalungkot naman kung totoong tapos na sila. Kasalan na ang pinag-uusapan nila, di ba? Kesyo sabi pa ng male personality, e, kasama sa plano niya ang kasalan kaya nagpapatayo na siya ng mansiyon.
“Anyare? Talaga kayang wala sa bokabularyo ng lalaking ‘yun ang pagpapakasal? Hanggang sa kuda nga lang kaya siya? Hanggang sa plano lang?” napapailing na komento pa ng aming source.
Tahimik pa ang dalawa hanggang ngayon, hindi pa nila sinasagot ang tanong ng bayan kung ano ang nangyari sa kanila, pero puwede silang gumawa ng senaryo tungkol sa nangyari.
Huling reaksiyon ng aming source, “Baka naman kasi umaasa pa sila sa pagbabalikan, kaya wala pang nagsasalita sinuman sa kanila. Baka ang palalabasin nila, e, nagbawaslang ng collection ng pictures nila ang girl sa IG, alam na this!
“Huwag naman sanang totoo ang kuwento. Nakakaawa talaga ang girl. Mapapasama rin siya sa hilig mangolekta ng girlfriend nu’ng male personality na pakakasalan kuno, pero hindi naman pala!” huling komento ng napapailing naming source.
Ubos!
Mga artistang nagkakawanggawa, naglalabas ng sariling pera
Napakahirap ng sitwasyon ng mga artista. Palibhasa’y maganda ang kanilang kinikita ay parang ginagawa nang obligasyon para sa kanila ng ibang tao ang pagtulong sa ating mga kababayan kapag dinadalaw tayo ng mga kalamidad.
Parang ang tingin sa kanila ay mga pulitiko silang may binitiwang pangako sa kanilang mga nasasakupan nu’ng kampanya. Hindi pulitiko ang mga artista.
Wala silang obligasyong magbigay ng ayuda at alamin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga naging biktima ng kalamidad, hindi sila serbisyo-publiko, ekstensiyon lang ng pagiging makatao nila ang ginagawa nilang pagtulong.
Maraming salamat dahil may mga personalidad na tulad nina Willie Revillame, Raffy Tulfo, Angel Locsin, AiAi delas Alas, Bela Padilla, Heart Evangelista at iba pang mga artistang may busilak na puso sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nagdarahop nating kababayan.
Kusang-loob nila ‘yun, hindi obligasyon, magpasalamat na lang tayo na may mga artistang bukas ang puso at palad sa pagmamahal at pagmamalasakit sa mga Pilipinong inuulaol ng kalamidad.
Huwag nating ipapasan sa kanila ang krus ng pagtulong, pasalamatan na lang natin sila, dahil kahit wala naman silang upuan sa gobyerno ay nagbibigay sila ng ayuda.
Tumutulong sila sa ating pamahalaan para kahit paano’y gumaan ang sitwasyon pero ang ipaako sa kanila ang pagtulong ay kalabisan na.
May sarili rin silang mga problema. Ang iba nga sa kanila’y biniktima rin ng kalamidad, nangangailangan din sila ng tulong, pero sinasarili na lang nila ang pagbangon.
Huwag natin silang hanapan, hindi sila ang mga tamang tao para kuwestiyunin kung nasaan na ang kanilang tulong o kaya’y kulang pa, wala silang inookupang posisyon sa ating pamahalaan.
Salamat na lang sa mga artistang may mabubuting puso, naglalaan sila nang sapat na panahon sa pag-ayuda, naglalabas ng sarili nilang perang pinaghirapan dahil ‘yun ang dinidikta ng kanilang puso.
- Latest