^

PSN Showbiz

Female personality, laging may taga-bomba ng pabango sa mga pupuntahan

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

“Never again!” Sigaw ‘yun ng isang empleyado ng isang ahensiya na nabigyan ng pagkakataong makatrabaho sa isang proyekto ang isang female personality.

Matagal na itong kinukuha ng ahensiya para mamahala sa kanilang mga TVC, sangdamakmak nang artista ang kanyang nakatrabaho, pero sinukuan nito ang nasabing babaeng personalidad na nagpasakit ng kanyang ulo.

Kuwento ng aming source, “Nu’n lang naniwala ang coordinator sa mga kuwentong naririnig niya tungkol sa female personality na ‘yun. Ang akala kasi niya, e, puro exags lang ang mga kuwento, pero totoo pala!

“Pinahirapan siya ng girl, parang tatlong projects daw ang nakatoka sa kanya, dahil sa pagiging maarte ng girl na bumibida sa TVC nila!

“Sobrang OA daw ang kaartehan, ang dami-daming tanong at idene-demand! At kinokontra rin niya ang mga ipinagagawa sa kanya ng production,” buwena manong istorya ng aming source.

Meron palang advance party ang kilalang female personality para ispreyan ang buong kapaligiran ng venue. Iba-ibang scent ‘yun, iba ang para sa buong lugar, iba ang para sa kanyang dressing room.

Patuloy ng aming impormante, “Ang feeling nga raw nila sa venue, e, parang nasa isang malaking garden sila ng punumpuno ng mga bulaklak!

“Kaya lang, dahil iba-iba ngang sent ang iniisprey, e, hindi na ang bango ang naaamoy nila, nakakasulasok nang amoy dahil nagha­halu-halo na!

“At may oras pala ang spraying! Kausap niya ang staff niya, kapag sinabi ng girl na malapit na siya, e, sige na naman sila sa kaiisprey, dahil mababahuan kuno ang boss nila kapag lumipas na ang una nilang inisprey!

“Pero okey lang ‘yun para sa production, ano ba ang pakialam nila kung malunod man sa amoy ang maarteng female personality? Trabaho lang ang tinututukan nila!

“At du’n sila naiinis! Sobrang OA ng girl! Alam niya naman na may susunod pang gagamit ng venue, hindi lang naman ang agency na kumuha sa kanya, pero kuda pa siya nang kuda sa dressing room!

“Balik-balik na sa kanya ang coordinator, pero deadma lang siya, hindi matapus-tapos ang pagme-make-up sa kanya dahil napakalikot niya! May kinakausap siya sa phone, may kinakausap siyang staff niya, paano sila matatapos agad ng make-up artist niya?

“Kapapasalamat ng grupo nang matapos na ang shoot, isa lang ang sinabi nila, never again! Ayaw na nilang makatrabaho ang female personality na ‘yun na ang akala, e, siya na ang pinakasikat na artista sa buong mundo!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Alaala ng Ondoy, nagbalik sa Ulysses

Matindi. Napakatindi ng alaalang iniwanan sa atin ng bagyong Ulysses. Matindi ang kanyang kumbinasyon. Matinding pag-ulan na walang humpay at humahaginit na hangin na hindi lang nangwasak ng mga bahay kundi inilugso pa ang mga pananim.

Hindi na malilimutan pa ng sambayanang Pinoy na dinaanan ni Ulysses ang gabing ‘yun ng Miyerkules at kinaumagahan ng Huwebes. Literal na delubyo ang naganap.

Nangakahambalang na punong-kahoy na dantaon na ang edad. Mga kabahayang hindi lang walang bubong, winasak talaga, inilipad pa sa malalayong lugar ang pinaghirapan nilang itinayong silungan.

At nakakikilabot na kaganapan sa Provident Village sa Marikina, ang subdivision na sinasabing tirahan ng maya­yaman ay minsan pang lumubog, dikit na sa mga nakalaylay na kable ng kuryente ang taas ng tubig.

Parang naulit ang bagyong Ondoy. At mas matindi pa itong Ulysses. Ito ang lugar na pinagpatayuan ng bahay ng kaibigan naming si Tito Manny na mahigit na isang dekadang nagtrabaho sa ibang bansa.

Nang humupa na ang baha sa Provident ay binalikan nila ang bahay, nagtakbuhan sila palayo, dahil pinamugaran ng mga ahas ang bahay na kanyang ipinundar.

Sabi ng aming kaibigan, “Tumambad sa amin ang pagkarami-raming ahas! May mga nasa sofa, nakalambitin sa bintana, may nagkukumpulan sa carpet, nakakakilabot!

“Ibinenta ko na lang nang palugi ang bahay ko, sa imagination pa lang, e, hindi ko na kayang tirahan pa uli ang bahay na ‘yun na pinamugaran ng mga ahas nu’ng bagyong Ondoy!” kinikilabutan pa ring kuwento hanggang ngayon ni Tito Manny.

Maagang tumulong sa mga binagyo, dapat pasalamatan

Maraming salamat sa mga busilak na puso ng mga tulad nina Willie Revillame, Raffy Tulfo, Angel Locsin at Jericho Rosales na sa kani-kanilang kapasidad ay agad na umayuda sa ating mga kababayang sinalanta ni Ulysses.

Napakaraming tanong, bakit ba sunud-sunod ang mga bagyong pumapasok sa ating bayan, wala na bang ibang direksiyong maaa­ring saktan ang mga bagyo?

Sa aming opinyon ay sa malakas lang ipinasusunong ang mabigat. Malaki ang tiwala ng Diyos sa ating bayan at sa ating pamayanan.

Pagkatapos ng unos ay ang pagsikat ng araw. Pagkatapos ng paghamon ay ang pagbangon. Mas sariwa ang mga bulaklak. Mas luntian ang mga dahon.

At mas magandang umawit ang mga ibon. Pinoy tayo. Walang inuurungang laban. Mahigpit ang paghawak natin sa pag-asa at pananampalataya.

vuukle comment

SHOWBIZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with