Geoff Eigenmann hindi napigilang murahin si Albie Casiño
PIK: Tatlong taon na palang magkasintahan sina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap.
Inamin nila ito nang sinadya sila ng Startalk nung isang hapon sa pictorial ng lahat ng mga talents ng PPL Entertainment ni Perry Lansigan.
Nagkadebelopan ang dalawa nang magkasama sila sa Daisy Siete at naging maganda ang kanilang samahan.
Sa pictorial nila na ginanap sa Haciena Isabella, ang sweet nilang dalawa at hindi mo sila mapaghihiwalay.
Hindi pa naman nila pinag-uusapan ang kasal pero wish nilang dalawa na sana sila na forever.
PAK: Doon pa rin sa pictorial ng mga PPL talents, nakunan ng Startalk na magkausap ang magpinsang Gabby at Geoff Eigenmann.
Napag-usapan nila si Andi Eigenmann na sobrang pinoprotektahan nila ngayon.
Nagkita-kita sila sa family reunion nila kamakailan lang at masaya sila para sa young actress na buntis ngayon.
Hiningan namin ng mensahe ang Eigenmann Brothers para sa lalaking nakabuntis kay Andi na ang tinutukoy ng marami ay si Albie Casiño. Malumanay ang sagot ni Gabby na hindi nila ito kailangan kung hindi niya pananagutan ang pagbubuntis ng kanyang kapatid.
“We’re here for Andi at hindi namin siya pababayaan. Okay lang kung wala ka kay Andi, marami naman kaming mag-aalaga sa kanya, and we’re happy for her, ” pahayag naman ni Geoff pero sa huling linya nito, may matinding sign siyang pinakawalan at mura para sa lalaking ’yun.
Pinakiusapan na lang kami ni Perry na huwag na naming ilabas. Pero kay Geoff okay lang dahil ’yun naman talaga ang naramdaman nila para sa lalaking tumalikod kay Andi.
BOOM: Totoo nga kayang hindi natuloy ang contract-signing ni Paulo Avelino sa ABS-CBN nung nakaraang Biyernes?
Ayaw nang magbigay ng pahayag ang manager ni Paulo na si Leo Dominguez dahil naguguluhan pa ang alaga niya hanggang ngayon.
Si Paulo naman ay ayaw nang pag-usapan ito dahil mas mabuting tahimik na lang para makapag-isip siya ng mabuti tungkol sa mahalagang desisyong ito.
Gusto lang linawin ni Paulo na hindi totoo ang lumabas na intrigang meron siyang kinaiinisang taga-GMA 7 kaya gustung-gusto na niyang kumabilang-bakod.
Nahihirapan lang siya ngayong mag-decide dahil pinipigilan siya ng GMA 7 at maganda rin ang counter offer sa kanya.
Ang dinig namin, kaya hindi natuloy ang pagpirma sa ABS-CBN dahil hindi ito pinayagan ng direktor na umalis sa shooting ng Aswang.
- Latest
























