Tres Queridas (41)
SA una ay itinatanggi pa rin ni Celeste ang lahat ng mga sinasabi ni Diana tungkol sa pagkakahawig ni Jack at Carlo. Hindi. Nagkakataon lang. Paulit-ulit niyang pangungumbinsi sa sarili.
Ngunit kasunod noon ay ang unti-unting realization habang pinagmamasdan ang bawat detalye ng mukha ni Jack. Pati ang pagkilos nito. Ang bahagyang pagyuko ng ulo kapag nakikinig. Ang pamilyar na “knight in shining armor” na aura na agad na nagparamdam sa kanya ng kaligtasan noong mga oras na gumuho ang mundo niya sa Maynila. Napaatras si Celeste. Napahawak siya sa dibdib, halos hindi makahinga.
“Oh my god...” nanginginig na bulong niya, tuluyang bumagsak ang kanyang tindig.
Hindi lang pala si Diana ang may matinding paranoia. Napagtanto ni Celeste parehas lang silang dalawa.
Nang mawala si Carlo at lumabas ang lahat ng kasinungalingan nito, sobrang nasaktan at nadurog ang kanyang pagkatao. At nang kailanganin niya ng tutulong sa kanya, hindi niya namamalayan na ang pinili at pinagkatiwalaan niyang lalaki ay ang taong may eksaktong hulma, tindig, at aura ng lalaking sumira sa buhay niya.
“Hindi ko napansin...” basag ang boses na umamin si Celeste, habang nanginginig ang mga kamay. Tumingin siya kay Diana na may kasamang takot at malalim na hiya. “Diana... hindi ko sinasadya. Hindi ko alam...”
Nilapitan ni Diana si Celeste at marahang hinawakan ang magkabilang kamay nito. Wala nang galit sa kanyang mga mata, tanging awa at pag-unawa para sa isang babaing tulad niyang labis na nasugatan ng iisang lalaki.
“Hindi mo kasalanan,” bulong ni Diana. “Sinanay tayo ni Carlo na magtiwala sa ganyang uri ng tao.”
Sa malayo, natapos na si Jack sa pagpapakarga ng gasolina. Lumingon ito sa gawi nila at marahang ikinaway ang kamay, nagpapahiwatig na handa na silang magpatuloy sa biyahe patungo sa abandonadong shipyard.
Kinuha ni Celeste ang cellphone sa kanyang bag at may tinawagan ito.
“Daddy, puwedeng pakiimbestiga nga itong tao na ipadadala ko sa’yo ang profile? ‘Yung mas malalim na background check? ” (Itutuloy)
- Latest















