^

Punto Mo

Pinay umibig sa pekeng prinsipe

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Napabalita kamakailan ang masaklap na sinapit ng isang Pilipinang kasambahay na nabiktima ng romance scam gamit ang artificial intelligence (AI) at deepfake technology. Natangayan siya ng mahigit P100,000 na matagal niyang pinag-ipunan.

Itinago sa alyas na Maria ang biktima. Hindi rin malinaw sa mga ulat kung nasa Pilipinas ba siya o nagtatrabaho sa ibang bansa nang mangyari ang panloloko. Tanging sinabi na isa siyang domestic worker.

Ginamit ng scammer ang pangalan, larawan, video at boses ng isang kilalang prinsipe ng Dubai sa United Arab Emirates. Nakilala ni Maria ang nagpakilalang prinsipe sa WhatsApp. Dahil sa matatamis na pananalita at paulit-ulit na pakikipag-usap, nahulog ang loob niya rito. Lalo siyang naniwala dahil nakakausap pa niya ito sa video call. Hindi niya alam na gawa lamang ng AI at deepfake ang nakikita niyang mukha at naririnig na boses.

Hindi nagtagal ay humingi ang umano’y prinsipe ng P100,000 na gagamitin daw sa pagproseso ng marriage certificate at isang “royal membership card” na makatutulong umano upang makakuha siya ng trabaho sa Dubai. Dahil sa matinding pagtitiwala, ipinadala ni Maria ang pera.

Kinalaunan, humingi na naman ang scammer ng P60,000 para umano sa reserbasyon ng kuwarto sa hotel kung saan sila magkikita nang personal. Dito na nagsimulang magduda si Maria. Sinuri niyang mabuti ang Facebook account na konektado sa kanyang kausap at natuklasang nakabase pala ito sa Nigeria. Hindi nagtagal ay nawala rin ang account kaya agad niyang pinutol ang lahat ng komunikasyon dito.

Matagal nang iniuugnay ang Nigeria sa operasyon ng ilang international romance scam syndicate, bagaman hindi lahat ng online scam ay nagmumula roon. Sa pag-usbong ng AI, lalo pang naging mapanganib ang kanilang modus. Hindi na lamang ninakaw na litrato ang ginagamit kundi mga AI-generated na video at voice clone na kayang magmukhang at magsalitang parang totoong tao.

Bahagi ito ng lumalawak na “Fake Dubai Prince” scam na tumatarget sa mga taong naghahanap ng pag-ibig sa internet. Madalas gamitin ng mga scammer ang identidad ni Dubai Crown Prince Sheikh Hamdan bin Mohammed dahil napakarami ng kanyang larawan at video sa social media. Kapag nakuha na nila ang tiwala at damdamin ng biktima, saka sila hihingi ng pera para sa visa, regalo, emergency, pamasahe o iba pang kathang-isip na gastusin.

Marami nang nabibiktima ng ganitong panloloko sa iba’t ibang bansa, kabilang ang mga overseas Filipino worker. Ilang OFW sa Hong Kong ang naiulat na nawalan ng malaking halaga matapos umibig sa mga taong kalaunan ay nalamang pawang mga scammer lamang.

Isa itong paalala na sa panahon ng artificial intelligence, hindi na sapat ang kasabihang “to see is to believe.” Maaari nang gayahin ng AI ang mukha at boses ng isang tao. Kaya bago magtiwala, lalo na kung humihingi na ng pera ang isang online lover, tiyaking tunay muna ang kanyang pagkaka­kilanlan. Mas mabuting mabigo sa pag-ibig kaysa mabiktima ng panloloko.

••••

Email- [email protected]

LOVE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with