‘Drunk driving’
SA United States, Canada, at Japan, walang drama pagdating sa pagmamaneho nang may amoy alak diretso kulong, multa, at tanggal lisensya. Hindi uso ang “pakiusap,” hindi uso ang “kilala mo ba ako.” Doon, batas ang masusunod, hindi palusot.
Sa Amerika, isang huli ka lang sa DUI (Driving Under the Influence), pwede kang mawalan ng lisensya, magbayad ng libo-libong dolyar, at kung malala, kulong ka pa. Sa Canada, mas mabigat pa pwede kang ma-ban sa pagmamaneho at magkaroon ng criminal record na habang-buhay mong pasan. Sa Japan? Mas matindi hindi lang ikaw ang mananagot, pati ang nagpahiram ng sasakyan at ang kasamang pasahero na alam na lasing ka, damay sa parusa. Ganun sila kaseryoso. Bakit? Kasi buhay ang nakataya.
Kaya doon, simple ang mindset ng tao “Uminom ka? Mag-taxi ka. Maglakad ka. Pero huwag kang magmaneho.” Walang nagmamatapang. Walang nagpapaka-astig. Dahil alam nila isang maling desisyon lang, tapos ang buhay mo, at baka may madamay ka pang inosente.
Ngayon, balik tayo sa Pilipinas. Ayon sa datos ng Department of Health sa pamamagitan ng ONEISS, umabot sa 1,555 ang road crash incidents nitong nakaraang Semana Santa. Mas nakakabahala 255.8% ang itinaas ng drunk driving cases. Hindi ito simpleng numero mga buhay ito na nasira, mga pamilyang nagdurusa.
Kaya tama lang ang galit ni Senator Raffy Tulfo. Ilang beses na niyang sinita ang Philippine National Police, Land Transportation Office, at Metropolitan Manila Development Authority pero parang wala pa ring nangyayari.
Isipin mo ‘to bilyon ang ginagastos, pero 17 lang na breathalyzer ang meron? At ‘yung ibang binili sira na, hindi na magamit, parang bula ang supplier. Ano ‘to aksidente o kalokohan?
Dito sa atin, may batas laban sa drunk driving. Pero aminin natin madalas ningas-cogon. Walang sapat na kagamitan, kulang sa aksyon, at minsan, kulang sa tapang.
Kaya kung seryoso tayo sa kaligtasan sa kalsada, hindi pwedeng pa-sweet. Kailangan kamay na bakal.
Hulihin agad. Walang pakiusap. Kumpiskahin ang lisensya. Ipa-impound ang sasakyan. At kung may nasaktan o namatay diretso kaso, walang atrasan.
Dahil sa totoo lang, hindi aksidente ang drunk driving krimen ‘yan na piniling gawin.
Kung kaya ng ibang bansa na disiplinahin ang kanilang mga motorista, kaya rin natin. Ang kulang lang hindi batas, kundi tunay na pagpapatupad.
Panahon na para malinaw ang mensahe. Kung lasing ka, wala kang karapatang humawak ng manibela.
- Latest




















