^

Punto Mo

‘Tirador’

HINDI MALILIMUTANG KARANASAN - Ronnie M. Halos - Pang-masa

UNA akong nakagamit ng tirador noong ako ay 11-anyos at Grade 5 sa amin sa probinsiya. Naging uso kasi ang tirador kapag malapit na ang bakasyon sa eskuwela. Ako mismo ang gumawa sa tirador. Lingid iyon sa aking tatay at nanay. Mula sa aking baon na 25 sentimos araw-araw ay nakaipon ako ng pambili ng manipis na goma at leather na lagayan ng bato nagsisilbing bala. Naghanap ako ng sanga ng bayabas na letter “Y”. Matiyaga ko itong kinortehan at pinakinis. Itinali ko ang dalawang manipis na goma sa magkabilang dulo ng sanga at saka inilagay ang leather.

Nang matapos ang tirador, tinesting ko. Kumuha ako nang makinis na bato na malaki ng konti sa holen. Ibinala ko. Inasinta ko ang bunga ng mangga na nasa aming bakuran. Bininit ko ang goma at pinakawalan. Sapol ang mangga sa tangkay at nalaglag.

Tuwang-tuwa ako. Unang gamit ko pa lang sa tirador ay naka­tama na ako ng mangga.

Nakita ng bunso kong kapatid na lalaki ang aking tirador. Sabi nito, baka raw magalit si Tatay kapag nakita ang aking tirador. Ayaw kasi ni Tatay na maglaro kami ng tirador dahil delikado raw. Inihalimbawa ni Tatay ang nangyari sa kanyang kapatid na nabulag dahil tinamaan sa mata ng bato mula sa tirador.

Kaya itinago ko ang tirador. Kapag umaalis si Tatay at Inay, inilalabas ko ang tirador at nagpapraktis sa pagtarget ng bunga ng mangga. Sapol uli ang mangga.

Pero nakatakda pala akong hindi na makahawak ng tirador dahil sa isang aksidente. Kami lang ng kapatid ko ang nasa bahay. Nagtungo sa bayan sina Tatay at Nanay. Inilabas ko ang tirador para tumarget ng mangga. Lingid sa aking kaalaman, umakyat pala ang kapatid ko sa punong mangga. Eksakto pagtirador ko ay nasa kalagitnaan siya ng puno. Siya ang tinamaan sa tagiliran. Napahiyaw sa sakit ang kapatid ko at muntik nang mahulog.

Bumakat ang bato sa balat ng aking kapatid. Hindi naman nagdugo. Nang malaman nina Tatay, pinalo ako sa puwit bilang parusa at kinuha nito ang tirador.

Mula noon, hindi na ako nakahawak ng tirador.

Makalipas ang ilang taon, nasa high school na ako, nang muling makahawak ng tirador. Pero ginamit ko ito para maprotektahan ang sarili at aking kapatid sa magnanakaw.

Wala ang aming mga magulang dahil nagninong at ninang sa kasal. Inabot ng gabi. Kami lamang ng kapatid ko ang nasa bahay.

Dakong alas otso, nakarinig kami ng kaluskos sa silong. Nang silipin namin, isang lalaki ang nakapasok sa bahay. Hindi kami nasiraan ng loob. “Gamitin mo ang tirador Kuya,” sabi ng kapatid ko. “Hindi ko alam kung saan yun itinago ni Tatay.’’ “Alam ko Kuya.’’ Kinuha ng kapatid ko ang tirador pati ang isang bato. Ibinigay sa akin. Inasinta ko ang magnanakaw. Sapol sa mukha! Tulirong nagtatakbo ito palabas. Nagkataon na parating na sina Tatay at isinumbong namin. Hinabol nito ang magnanakaw at nahuli.

Hindi malilimutan ang karanasang iyon na niligtas kami ng tirador.

vuukle comment

SCHOOL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with