Maid of Honor (82)
TAMANG-TAMA ang pants at shirt na nakita ni Inah. Isinuot. Kasyang-kasya.
“Puwede na tayong umalis, Kuya,” sabi nito kay Honor.
“Sa palagay mo wala na ang mga pulis sa labas?’’
“Palagay ko wala na. Mabilis lang ang mga yun. Kapag nakakuha na ng “tara” sisibat na.”
“Talaga?’’
“Oo Kuya. Kalakaran na raw yun. Kung sino ang umupong hepe, dun babagsak ang “tara”.’’
“Magkano?’’
“Hindi ko alam Kuya. Pero tiyak ko malaki. Kapag maliit, laging rereydin.’’
“Grabe ang mga pulis. Mahirap nang pagtiwalaan.’’
“Oo nga Kuya. Sa halip na i-rescue ang mga biktima ng white slavery, e pamemera ang inaatupag nila.’’
Napatango si Honor. Mukhang may katotohanan ang sinabi ni Inah.
“Tayo na Kuya.’’
“Alam mo ang dadaanan natin?’’
“Alam ko Kuya.’’
Lumabas sila. Naglakad sa pasilyo na bahagyang naiilawan. Makalipas ang ilang minutong paglalakad sa pasilyo, may tinuro si Inah.
“Dun sa kuwartong iyon naroon ang lagusan, Kuya. Pagpasok natin diyan, sa kabilang kalye na tayo lalabas.”
“Underpass? Parang sa Quiapo?’’
“Oo, Kuya.’’
Tinungo nila ang room. Binuksan. Bumulaga sa kanila ang hagdan. Madilim.
Pumasok sila.
Amoy kulob sa loob.
(Itutuloy)
- Latest