Editoryal - Kulumpon ng Chinese vessels sa WPS, naghahatid-pangamba

Parami nang parami ang Chinese maritime militia vessels sa West Philippine Sea (WPS). Mistula silang nagtipon na pukyutan na sa huling report ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nasa 45 o mahigit pa. Ayon sa AFP, noong nakaraang buwan, 15 lamang ang namataang barko ng China pero ngayon, dumami na at habang lumilipas ang araw ay nadadag­dagan pa. Anong ibig sabihin nito?

Sabi ng AFP, nagkulumpon ang Chinese vessels sa Rozul Reef at Pag-asa Island. Ang Pag-asa ay 277 milya ang layo sa Palawan. Ang mga barko ng China ay nakikita umano ng mga residente ng Pag-asa at nababahala sila sa nangyayari. Palapit nang palapit umano ang mga sasakyang dagat ng China.

Sabi ni Western Command (WesCom) chief Vice Adm. Alberto Carlos, walang indikasyon na aalis ang mga nagkalipumpon na Chinese militia vessels at duma­rami pa nga raw ang mga ito. Balak umano nilang mag­hain ng diplomatic protest sapagkat ang lugar na kinaroroonan ng militia vessels ay teritoryo ng Pilipinas. Nakikipag-ugnayan umano sila sa National Task Force on West Philippine Sea para sa paghahain ng protesta sa China.

Ang nangyayaring ito ay noon pa ginagawa ng China­. Noong Marso 7, 2021, umabot sa 220 barko ang nagkalipunpon sa Julian Felipe Reef. Nang mag­hain ng protesta ang Pilipinas, sinabi ng China na nagtatago o sumisilong lamang ang mga barko sa reef. At sabi pa ng China, mga mangingisda raw ang laman­ ng mga barko at hindi armado. Nagkakanlong umano ang mga barko ng mangingisda dahil masama ang lagay ng panahon.

Ang Julian Felipe Reef ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Sabi noon ni retired senior associate justice Antonio­ Carpio sa pagdagsa ng mga barko ng China, baka ang­­kinin ang reef at tayuan ng artipisyal na isla. Si­nabi pa ng dating­ mahistrado na ganyan din ang ginawa ng China­ sa Panatag Shoal, Mischief at Subi Reef na hindi na ma­bawi­ ng Pilipinas.

Nangyayari na naman ngayon ang ginagawa noon ng China at posibleng dumagsa pa nang dumagsa­ ang militia vessels. Ang babala ni Carpio ay maaaring mangyari. Pinakamabuting gawin ng Pilipinas ay bantayan ang Rozul Reef at Pag-asa Island. Mag­hain ng protesta. Labag sa soberenya ng Pilipinas ang pagpasok ng mga barko sa sakop ng Pilipinas.

Nag-usap na sina President Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ukol sa sigalot sa WPS. Hindi pa inihahayag ng Malacañang ang pinag-usapan. Sana may magandang bunga ang pag-uusap para matigil na ang pambu-bully at pagharang ng CCG sa PCG tuwing magsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal. Malaya na rin sanang makapangisda ang mga Pilipino sa sariling karagatan na walang nagtataboy.

Show comments