Ginger (111)
ANG akala ni Anton, karaniwang balon lang ang hukay pero nang tingnan niya kung ano ang laman, nagulat siya sapagkat mga bato na kasinglaki ng kamao ang naroon at nagbabaga. Pero wala naman siyang nararamdamang init mula sa balon.
Inihagis niya sa balon ang itim na patpat na ginamit sa paghampas sa taong paniki gaya ng utos ni Tandang Nado. Kapag nagamit na raw ang patpat, wala nang bisa kaya kailangang itapon sa balon.
Iglap na natunaw ang patpat bago pa sumayad sa mga nagbabagang bato.
Sa pagbalik niya sa kubo, tiningnan ni Anton ang spot kung saan naging abo ang taong paniki na nakalaban niya. Wala na kahit abo nito. Parang nilipad ng hangin.
Umakyat na siya sa kubo. Nakaupo si Mulong sa sulok at nakatingin kay Tandang Nado na may mga sinusulat sa maliliit na pirasong puting papel.
‘‘Naitapon ko na po sa balon ang patpat, Tandang Nado,’’ sabi niya pagkalapit sa matanda.
‘‘Mabuti. Ano ang nakita mo, Anton?’’
‘‘Mga bato po na nagbabaga.’’
‘‘Ano pa bukod sa bato?’’
‘‘Wala na po.’’
‘‘Mayroon pa. Hindi mo lang nakita.’’
“Wala po talaga.’’
“Sige, hindi kita pipilitin. Etong sinusulat ko sa papel ang gamot sa kasintahan mong si Ginger. Orasyon ito na panlaban sa kulam na ginawa sa kanya. Kaya lang, bago ito magkaroon ng bisa, kailangang mapatungan ng bato na galing sa balon. Kailangan, kumuha ka kahit isang nagbabagang bato sa balon.’’
Napalunok si Anton sa sinabi ni Tandang Nado.
(Itutuloy)
- Latest