Ang babae sa aparador (192)
NAGULAT si Jonas sa narinig na sitsit.
Lumingon sa pinanggalingan ng sitsit.
Pinag-aaralan kung saan nanggaling ang sitsit.
Samantala, nakasilip si Ziarah sa awang ng pinto ng aparador. Pinagmamasdan ang ginagawa ni Jonas at ekspresyon ng mukha nito makaraang marinig ang sitsit.
Gusto nang humagalpak ng tawa si Ziarah pero pinigil niya. Kaunti pang pang-aasar sa kanyang mahal na si Jonas.
Gusto rin kasi niyang ipaalala kay Jonas ang mga pinagdaanan noong panahong lagi siyang nagtatago habang nagnanakaw ito ng ligaya kasama ang malan-ding si Kat. Hindi kasi niya malilimutan ang mga nangyari na kailangan siyang magtago para hindi mabuking ni Kat na may kasamang babae si Jonas sa bahay. Siya naman ay sunud-sunuran sa bawat sabihin ni Jonas. Sino ba naman siya e kasambahay lang.
Pero ngayon ay wala na ang mga pait at sakit na naranasan niya. Napawi sapagkat mahal na mahal siya ni Jonas. Isa pa, patay na rin ang babaing kinapopootan niya nang labis. Wala na ang babaing manloloko na nagpasakit nang grabe sa kalooban ni Jonas.
Natapos din ang kasamaan ng walanghiyang babae. Drug dealer pala kaya napatay, ayon kay Jonas.
Sinilip uli niya si Jonas. Nakaupo ito sa kama at nag-iisip.
Muli siyang sumitsit.
“Psssst!’’
Nagulat muli si Jonas.
Tumayo ito.
Lumapit sa aparador. Para bang alam na nito ang pinanggalingan ng sitsit.
Biglang binuksan ang pinto ng aparador.
Nagulat nang makita sa loob si Ziarah.
“Ziarah!’’’
Nakangiti si Ziarah habang nakasiksik sa mga damit.
‘‘Akala ko iniwan mo na ako, Ziarah! Problemadung-problemado ako!’’ sabi ni Jonas na para bang nabunutan ng tinik.
(Itutuloy)
- Latest
















