^

Punto Mo

Anino ng dengvaxia nakabuntot sa Sputnik V

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NAKAKAPAGBIGAY ng pag-asa kahit paano ang Sputnik V ng Russia na nagdeklarang ito ang unang bansa sa mundo na nagpatibay ng bakuna laban sa COVID-19 bagaman nitong nagdaang linggo lamang inasahang sisimulan ang phase 3 clinical trial nito. Makikisabay din ang Pilipinas sa clinical trial na ito mula Oktubre hanggang sa susunod na taon.

Marami agad mga reaksyon sa deklarasyon ng Russia. Mga positibo at negatibo.  Kabilang ang Sputnik V sa 165 kandidatong bakuna laban sa COVID-19 na tinatrabahong malikha  sa buong mundo. Maaaring bumalik na tayo sa dating normal na buhay sakaling tuluyang mapatunayang epektibo nga ang Sputnik V at maging ang iba pang mga inimbentong  bakuna laban sa naturang virus.

Gayunman, dito sa atin sa Pilipinas, may mga nag-aagam-agam sa bakunang Sputnik V. Nagiging tampulan ito ng mga biro at kantiyaw  sa social media at nagpaparinig  sa kung sino ang mga unang dapat mainiksiyunan nito. May mga nagtatanungan pa nga kung magpapabakuna sila o hindi. 

Pero ang tila ugat ng mga biruan at kantiyawang ito ay masasabing bunga ng  takot o pa-ngamba na nalikha ng kontrobersiya noon sa dengvaxia, ang kontrobersyal na bakuna laban sa dengue na gawa ng kunpanyang dayuhang Sanofi. Hanggang noong Agosto 2019, umabot sa 600 katao na mga bata karamihan at naturukan ng dengvaxia ang namatay sa iba’t ibang kumplikasyon bagaman hindi tuwirang bakuna ang dahilan.      

Bagaman wala pang siyentipikong pruweba na  ang dengvaxia ang ikinamatay ng mga biktima, natakot na ang maraming mamamayan sa kahit anong klaseng bakuna lalo na nang ideklara ng Sanofi na mapanganib umano ang dengvaxia sa mga taong nabakunahan pero wala pang history ng dengue o hindi pa nagkakaroon ng ganitong sakit. Naapektuhan halimbawa ang bakuna laban sa tigdas na maraming magulang ang tumangging mabigyan nito ang kanilang mga anak.

Kaya isa itong kakaharaping hamon ng  pamahalaan partikular ng mga awtoridad sa pangkalusugan kung paano papawiin ang pangamba at pagdududa ng maraming Pilipino sa mga bakuna na idinulot ng kontrobersiya sa dengvaxia.  Hindi lang ang pangamba sa Sputnik V ang dapat mapawi kundi pati na rin sa iba pang mga bakunang nililikha laban sa COVID-19. Ang bakuna ay isang paraan na mapangalagaan ang mga tao laban sa mapaminsalang mga sakit. Magkakaroon sila ng immunity o hindi tatablan ng virus.  Kaya nga ang paglikha ng bakuna laban sa COVID-19 ang isa sa pangunahing pinagkakaabalahan ng mga dalubhasa sa mundo mula nang sumulpot ang virus sa China at kumalat sa maraming iba’t ibang bansa.

Sinasabing matagal ang mga proseso ng paglikha at pagpapatibay sa bakuna na aabutin ng taon kaya merong nagpapahayag din ng pag-aagam-agam sa tila umano maagang pag-apruba ng Russia sa Sputnik V na likha ng Gamaleya Research institute  nito. Pinagsabay kasi ng naturang bansa ang pagpaparehistro ng phase 1 at phase 2 clinical trial sa bakunang ito hanggang dumating na sila sa  phase 3 na huling yugto ng proseso sa epektibong bakuna. 

Email: [email protected]

vuukle comment

DENGVAXIA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with