^

Punto Mo

Ang pagbabalik ng OFWs

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY malaking panganib sa tinatayang 8,000 OFWs sa Iran, Iraq, at Libya, at kung tutuusin, ay sa buong Middle East kung saan may 1.2 milyong Pilipino ang nagtatrabaho. Lumala ang tunggalian sa pagitan ng US at Iran, matapos mapatay sa isang US airstrike sa Baghdad ang Iranian military commander na si Qassem Soleimani. Nagbanta ang lider ng Iran na si Aya-tollah Ali Khamenei ng malupit na pagganti. Posibleng target ng paghihiganti ang mga US facilities sa Iran, Iraq, Saudi Arabia at Kuwait, kung saan maraming Pilipino ang nagtatrabaho.

 Kung lalala ang sitwasyon, alin sa dalawa ang maaaring gawin ng ating gobyerno: ilikas sa ibang lugar sa Middle East ang mga OFWs o pauwiin na lamang sila sa Pilipinas. Kung ang mga OFWs ang pamimiliin, siguradong pipiliin nila ang ilipat na lamang sila sa ibang lugar sa Middle East kung saan ay maaari pa silang magtrabaho. Sa Pilipinas ay tiyak na wala silang makikitang trabahong makapagbibigay ng katumbas na suweldong tinatanggap nila sa ngayon. Nakahanda silang suungin ang mga panganib dahil sa mga pamilyang umaasa.

Tila hindi maganda ang pasok ng 2020 sa ating mga OFWs sa Middle East. Bago magtapos ang taon, isang domestic helper sa Kuwait, si Jeanelyn Villavende, ang namatay dahil sa pambubugbog ng mga amo nito, ito’y sa kabila ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 na pangangalagaan ang mga kasambahay laban sa malulupit na amo. Dahil sa pinakahuling trahedyang ito, nag-utos ang gobyerno ng partial deployment ban ng mga domestic helpers sa Kuwait.

Totoong napakalaki ng kontribusyon ng ating mga OFWs sa ekonomiya ng Pilipinas. Noong nakaraang taon, umabot sa $32.2 bilyon ang perang nauwi nila sa Pilipinas. May mga economic experts ang nagsasabi na kung hindi sa malaki nilang dollar remittances ay bagsak na ang ating ekonomiya. At syempre, nakaranas ng kaginhawahan ang mga pamilya ng mga OFWs.

 Pero sa kabila ng mga economic gains na ito, ano naman ang naging kapalit? Marami sa ating mga  OFWs, lalo na ang mga domestic helpers, ang nakaranas ng pagmamalupit ng kanilang mga amo. Ang iba’y ginahasa at pinaslang.  Ang iba’y bumalik sa Pilipinas na wala na sa sariling bait. Tayo ngayon ang itinuturing na “Alipin ng Daigdig.”  Maraming pamilya ng OFWs ang nawasak.

Maipagmamalaki ba natin ito? Maipagmamalaki ba natin na ang ating mga anak ay kinakailangang magtrabaho sa ibang bansa upang doon hanapin ang kanilang kapalaran, sapagkat dito sa kanilang sariling bansa ay walang kinabukasan?

Ang dapat na maging direksyon ng gobyerno ay ang paglikha ng maraming magandang trabaho at oportunidad sa negosyo dito mismo sa atin. Habang ang inaasikaso ng gobyerno ay ang pagpapadala ng mga OFWs sa ibang bansa at ang pagtatayo ng mga sistema at istraktura para sa OFWs na katulad ng pagbubuo ng Department of Overseas Filipino Workers, mananatili tayong “Alipin ng Daigdig” at patuloy na mangangarap ng isang magandang buhay, hindi sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.

Nawa’y dumating ang isang panahon na ang ating mga OFWs ay babalik sa Pilipinas hindi dahil sa kaguluhan sa mga lugar na kanilang pinagtatrabahuhan, kundi sapagkat dito na nila matutupad ang kanilang mga pangarap.  Para sa akin, ito ang unang palatandaan na tayo’y kabilang na sa mga bansang maunlad at may sariling dangal.

vuukle comment

OFWS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with