^

Punto Mo

Registered owner ng sasakyan ang may pananagutan sakaling may aksidente

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Atty.,

Nabundol po ako ng isang sasakyan ilang buwan na ang nakararaan. Tinakbuhan po ako ngunit nakuha ko naman ang plate number ng sasakyan kaya nagawa ko pong ma-trace ang may-ari nito. Pinadalhan ko ang may-ari ng demand letter para sa mga ginastos ko sa pagpapaospital ngunit tumanggi siyang sagutin ang mga ito dahil hindi naman daw siya ang nagmamaneho noong nabundol ako. Nang tanungin ko po siya kung sino ang driver ay hindi naman niya kaagad masabi dahil ginagamit daw ang sasakyan sa rent-a-car na business ng kanyang pamilya. May habol pa po ba ako kung hindi matutukoy ang driver ng sasakyang nakabundol sa akin? --Carl

Dear Carl,

Hindi mo na kailangang alamin kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan nang mabundol ka nito dahil sa ilalim ng Article 2176 at Article 2180 ng Civil Code ay ang rehistradong may-ari ang mananagot sa anumang pinsala na idulot ng kanyang sasakyan.  Sa ilalim ng Article 2176, mananagot ang sinumang magdulot ng pinsala dulot ng kanyang mga aksyon o kapabayaan. Dagdag naman ng Article 2180 na ang pananagutan na ito sa ilalim ng Article 2176 ay maari ring magbunga hindi lamang mula sa sariling aksyon o kapabayaan ng isang tao kundi pati na rin sa aksyon o kapabayaan ng mga nasa ilalim ng kanyang responsibilidad katulad ng kanyang mga empleyado.

Ayon naman sa kaso ng Filcar vs Espinas (G.R. No. 174156, June 20, 2012) ay ipagpapalagay, sa ilalim ng batas, na empleyado ng registered owner ang taong nagmamaneho ng sasakyan nang maaksidente ito.

Ipinaliwanag ng Korte Suprema sa nasabing kaso kung bakit ang rehistradong may-ari ang mananagot sa anumang pinsala na idinulot ng kanyang sasakyan, siya man ang nagmamaneho nito sa oras ng aksidente o hindi.

Ang pangunahing layunin kasi ng pagpaparehistro ng ating mga sasakyan ay upang matukoy kaagad kung sino ang kailangang managot sakaling may mangyaring aksidente. Ang madalas kasing nangyayari, katulad ng naging sitwasyon mo, ay hindi na matukoy kung sino ang aktwal na nagmamaneho ng sasakyan kapag nasangkot ito sa aksidente kaya hindi na alam ng biktima kung sino ang hahabulin. Upang maprotektahan ang karapatan ng mga biktima ng aksidente, minabuti na ng batas na iatang sa rehistradong may-ari ng sasakyan ang pananagutan sa anumang pinsalang idinulot nito, sinuman ang may hawak ng manibela nang mangyari ang aksidente.

Kaya sa sitwasyon mo, hindi maaring gawing dahilan ng may-ari ng sasakyan na hindi naman siya ang nagmamaneho ng sasakyan nang mabundol ka nito dahil siya mismo ang maari mong ihabla base sa mga nabanggit na probisyon ng batas at desisyon ng ating Korte Suprema.

vuukle comment

AKSIDENTE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with