^

Punto Mo

Sino ang dapat managot sa aksidenteng kinasangkutan ng pampublikong sasakyan?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Atty.,

Naospital po ako matapos akong masagasaan ng isang pampasaherong jeepney. Kinausap ko ang driver ng jeepney at ang operator nito para sa kanilang pananagutan sa akin.

Bagama’t umamin ang driver na siya ang may sala sa naging aksidente ay agad namang tumanggi ang operator sa kanyang pananagutan sa kadahilanang hindi raw siya ang tunay na operator ng jeep na nakabangga sa akin.

Pangalan lang daw niya ang nakalagay sa certificate of registration ng jeepney at may itinuro siyang ibang tao na talagang nagpapatakbo ng operasyon nito.

Sino po ba sa kanila ang maari kong papanagutin para sa aking pagpapaospital at sa perwisyong idinulot ng aksidente sa akin? -- Franco

Dear Franco,

Unang una, may habol ka sa driver ng jeepney. Alinsunod ito sa Article 2176 ng ating Civil Code, kung saan nakasaad na mananagot at magbabayad ang sinuman para sa anumang pinsala na idinulot ng kanyang kapabayaan o pagkukulang.

Bukod sa driver ay mananagot din ang operator bilang amo ng driver ng jeepney na nakasagasa sa’yo. Ayon din kasi sa Article 2176 ng Civil Code, mananagot din ang amo sa mga pinsalang idinulot ng kanilang mga empleyado.

HIndi rin siya makakaiwas sa pananagutan sa pagsasabing hindi naman talaga siya ang nagpapatakbo ng operasyon ng jeepney na nakasagasa sa’yo. Kung totoo man na may iba talagang operator ang jeepney ay matatawag ang kanilang ginagawa na “kabit system” na ipinagbabawal at hindi kikilalanin ng batas sakaling masangkot sa aksidente ang pampublikong sasakyan.

Ayon sa Korte Supreme sa kaso ng Metro Manila Transit Corporation v. Cuevas (G.R. No. 167797, June 15, 2015), ang pangunahing layunin ng pagpaparehistro ng mga sasakyan ay upang malaman kaagad kung sino ang may-ari nito na hahabulin at mananagot sa pinsalang idinulot ng sasakyan sakaling masangkot ito sa aksidente. Mawawalan ng saysay ang batas kung maaring ituro ng taong nakasaad sa rehistro ng sasakyan ang isang “middle man” na diumano’y siyang totoong may-ari o nagpapatakbo ng operasyon nito.

Maaari mong habulin ang operator na nakasaad sa certificate of registration ng jeepney dahil sa ilalim ng batas, siya ang kinikilalang amo ng driver na nakasagasa sa iyo. Kung totoo man ang palusot niya na iba talaga ang nagpapatakbo sa operasyon ng jeepney may karapatan naman siyang habulin ang taong iyon upang managot sa ipinambayad na daños sa’yo.

Nawa’y nasagot ko  ng lubos ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay ka na  hindi nabanggit.

vuukle comment

SASAKYAN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with