^

Punto Mo

Kaibigan ba natin talaga ang China?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KABI-KABILA ang kontrobersya tungkol sa relasyon ng Pilipinas sa China, bagamat pilit na nakikipagkaibigan si Presidente Duterte sa higanteng bansang ito. Ang mala-king tanong, kaibigan nga bang maituturing ng Pilipinas ang China?

Ang China ay isa sa bansang pinagkakautangan ng Pilipinas.  Isa rito ay ang $62 milyong utang para sa Chico River Pump Irrigation Project. Ayon sa mga ekonomista, mas mataas ang interest na ipinapataw ng China, kumpara sa Japan at South Korea. Kung magkakaroon ng problema sa kasunduan at kinakailangan ang “arbitration,” ang pag-uusap ay ipapasailalim sa batas ng China at gagawin ang pag-uusap sa            Hong Kong. Kung hindi makakabayad ang Pilipinas, maaaring kunin ng China ang ginamit na “collateral” sa utang, ang deposito ng natural gas sa Recto Bank na sinasabing may 5.4 bilyong bariles ng langis at 55.1 trilyong cubic feet ng natural gas — isang napakalaking kayamanan na lampas-lampas sa halaga ng pagkakautang. Ito ba’y patas na kasunduan ng tunay na magkakaibigan?

Patuloy na dumaragsa ang mga Chinese maritime militia sa isla ng Pag-asa sa Palawan na pagmamay-ari ng Pilipinas.  Ayon mismo sa AFP Western Command, noong nakaraang linggo ay namataan sa paligid ng Pag-asa ang 275 mga barko mula sa China.  Dahil dito, mahigit sa 300,000 mangingisdang Pilipino ang diumano’y natatakot mangisda sa lugar na kinagisnan nilang kanila bilang mga Pilipino.  Doon mismo sa lugar nila, ang mga mangingisdang Pilipino ay tinatakot, pinagbabantaan, itinataboy.  Ganito ba ang pagtrato ng isang kaibigan sa kanyang kaibigan?

 Kamakailan, sina dating Foreign Secretary Albert del Rosario at Ombudsman Conchita Carpio Morales ay nagsampa ng kahilingan sa International Criminal Court na imbestigahan nito si Chinese President Xi Jinping dahil sa pang-aabuso sa mga mangingisdang Pilipino at pagwasak sa “reef” bunga ng itinatayo nitong mga istraktura sa mga teritoryong idiniklara ng Permanent Court of Arbitration na pag-aari ng Pilipinas. Ganito ba ang sitwasyon ng tunay na magkakaibigan?

 Interesado ang China na bilhin at pamahalaan ang naluging Hanjin Heavy Industries na gumagawa ng mga barko sa dating US Naval Base sa Subic Bay sa Zambales.  Maraming nangangamba na kapag ito’y napasakamay ng gobyerno ng China, magdudulot ito ng napakalaking panganib sa seguridad ng Pilipinas.  Dahil sa ginagawang pagtrato ng China sa Pilipinas, may batayan ba ang ganitong pangamba?

Tila baga pang-iinis, ang Lonely Planet, isang travel website at guide book publisher, ay nagsabi na ang Banaue Rice Terraces na idiniklara ng UNESCO na isang World Heritage Site ay itinayo ng mga Chinese dalawang libong taon na ang nakararaan.  Nakakatawa, pero baka kaya isang araw ay magising na lamang tayo na lahat sa Pilipinas ay pag-aari o gawa ng mga Chinese?

 Nararapat lamang na makipagkaibigan tayo sa lahat ng bansa, ngunit pakikipagkaibigang patas ang ugnayan, kung saan ay igagalang ang ating sobereniya at dangal bilang isang malaya’t nagsasariling bansa.  Hindi komo higanteng Goliath ang China ay magiging sunud-sunuran na lamang tayo rito at magbubulag-bulagan sa kanyang ginagawa, sapagkat tayo’y isang musmos na David.  Sa Bibliya, isang musmos na David ang tumalo sa isang higanteng Goliath.

 Ang kailangan natin ay ang paggalang sa ating sarili, ang pagtitiwala sa ating kakayahan.  Ang dangal natin bilang isang bansa’t lahi ay hindi maaaring maaagaw ninuman nang wala tayong pahintulot.  Maging ng isang higanteng tulad ng China!

vuukle comment

CHINA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with