^

Punto Mo

‘Marami pang kakaining bigas’

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

BIGAS ang pangunahing pagkain nating mga Pilipino. Hindi baleng walang ulam, basta may bigas. Ito ang kahulugan ng ekspresyon natin na “magdildil ng asin,” dahil sa kahirapan ay wala nang maiulam, bagama’t mayroon pang kanin. Kapag wala ng kanin, ‘yon ang talagang matinding kahirapan.  Dito sa atin, ang  bigas ay hindi lamang pagkain, kundi isang usaping pulitikal. Dito sinusukat ang katatagan at kahusayan ng isang administrasyon.

Malaking problema ito ng kasalukuyang gobyerno. Patuloy na tumataas ang presyo ng bigas simula nang umupo si Presidente Duterte.  Sa Zamboanga City, umabot ang presyo sa P70 bawat kilo, kung kaya’t nagdeklara roon ng state of calamity.

 Naalarma ang Senado kung kaya’t nagsagawa ng pagdinig kung saan ang pangunahing isinalang ay ang National Food Authority na pinamamahalaan ni Jason Aquino.  Mandato ng batas ang NFA na magmintina ng stock ng bigas na sapat sa pangangailangan ng bansa sa loob ng 15 araw at 30 araw sa mga buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.

Kinulang ng stocks ang NFA. Bakit?  Ayon sa Commission on Audit, ginamit ng NFA ang P5 bilyong halaga ng government subsidy na tinanggap nito sa pagbabayad ng mga utang, kung kaya’t hindi nakabili ng sapat na stock ng bigas. Ayon sa ilang senador, ito’y malinaw na technical malversation of funds. Pinagbibitiw nila si Aquino. May ilan na mas radikal ang nakikitang solusyon—buwagin na ang NFA na tanging ahensiyang pinahihintulutang mag-angkat ng bigas. Para sa kanila, ang NFA ay hindi solusyon, kundi siya mismong problema. Para sa ilan, mas mabuting ipaubaya na lamang sa pribadong sector ang negosyo ng bigas at huwag na itong pakialaman ng gobyerno.

Nakapanlulumo na maging problema natin ang bigas, sapagkat tayo ang ikawalong pinakamalaking rice producer sa buong mundo dahil sa ating 5.4 milyong ektarya ng palayan. Dapat sana, sa halip na umangkat, tayo ang nagbebenta ng bigas sa ibang bansa. Dahil sa krisis, umangkat tayo ng 250,000 metric tons ng bigas sa Vietnam at Thailand, mga bansang noong una ay natuto mula sa atin tungkol sa produksyon ng bigas.

Ang problema, ang inangkat nating bigas ay punumpuno ng bukbok, kung kaya’t kinakailangan munang idaan ng fumigation. Ligtas bang kainin ang mga bigas na ito?  Oo ang sagot ni Agriculture Secretary Emmanuel Pinol. Hay, naku, nakakadismayang deklarasyon! Naalala ko ang isang English idiom, “Beggars cannot be choosy.”

Dahil sa mga krisis na kinakaharap natin, talagang nawawalan tayo ng dangal bilang isang lahi at bansa. Napakaraming incompetent government officials. May malaking problema tayo sa governance.  Sa halip na mabawasan, tila mas lumalala pa ang katiwalian. May kasabihan tayo, “Kapag puno na ang salop, kailangang kalusin.” Gusto ko sanang marinig sa mga appointed government officials ang ganito, “I serve to protect public interest,” sa halip na, “I serve at the pleasure of the President.” Ibig sabihin, kapag nagkaroon ng krisis sa pamamahala ng isang public official, kailangan siyang magbitiw ora mismo, kahit na nga buo pa ang tiwala sa kanya ng Presidente. Ito ang pinakamarangal na aksyon.

Oo, marami pa tayong kakaining bigas.  Ang Vietnam na dumaan sa mapangwasak na digmaan ay humahabol na sa atin, kung hindi pa tayo tuluyang nalampasan nito. Malayo na ang ibang kapitbahay natin sa Asia sa punto ng kaunlaran at katahimikan. Kung tayo’y mananatiling makasarili at watak-watak dahil sa pulitika, tayo mismo’y bubukbukin na tulad ng mga bigas na ating inangkat.

vuukle comment

BIGAS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with