^

Punto Mo

‘Niragasang lupa’

- Tony Calvento - Pang-masa

ANG karapatan na magmay-ari ng lupa ay nakapaloob sa ating saligang batas (Bill of Rights) at hindi ka basta pwedeng tanggalan nito.

“Nagbabayad kami ng amilyar. Bigla na lamang ibinalita ng tiyahin ko na sementado na ang lupa namin,” simula ni Helen.

Taong 2008 pa lamang umano nang gawing kalsada ang lupa nina Helen Angeles, 43 taong gulang, taga Pasig City. Nakapa­ngalan sa kanyang amang si Manalo-69 ang 5,000sqm na lupa sa San Mateo, Rizal. Traysikel drayber ang kanyang ama at nang ma-stroke ito noong 2012 ay naapektuhan ang pagsasalita at pandinig nito kaya tumigil sa pagpapasada. Hindi nila pinayagang umalis-alis ang kanyang ama kaya siya ang inutusan na lakarin ang problema sa kanilang lupa sa Rizal. Walang bahay na nakatirik sa nasabing lupa. Bundok umano ito kaya hindi kakayanin ng kanyang ama na magpunta.

“Malayo din kasi kaya hindi namin nababantayan. Wala kaming care taker doon. Nakatengga lang talaga. Minana yun ni Papa sa mga magulang niya,” wika ni Helen.

Taong 2010…ibinalita ng kanyang tiyahin na si Juling na ang lupa nila doon ay naging kalsada na.

“Nagtaka kami bakit magiging kalsada yun wala namang nakipag-usap sa amin. Inalam namin kaagad kung sino ang nag-utos. Nagpunta kami sa munisipyo ng Rizal,” ayon kay Helen.

Pagdating nila sa munisipyo itinanggi ng mga tao doon na alam nila kung sino ang nag-utos nito. Nagpunta din sila sa ‘Assessor’s Office’ ngunit puro “Wala kaming alam” ang sagot sa kanila. Ma­ging ang ‘Engineering Department’ ay walang maibigay na konkretong sagot sa kanilang tanong.

“Kung saan-saan kami pinagtuturo. Kung sino-sino na rin ang nakausap namin pero puro hindi nila alam ang sagot,” sabi ni Helen.

Isang nagngangalang Laura sa munisipyo ng Rizal ang nagsabing…“Walang pinasok ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na project sa amin na ganyan. Hindi namin alam kung sino ang nagpagawa ng kalsada sa lupa ninyo,” sabi umano sa kanila ni Laura.

Nagtanong-tanong sina Helen sa mga nakatira doon at may nakapagsabi sa kanila na ang nautusan umano ng DPWH ay si Mr. Manolito Fabian. May nagturo naman kay Atty. Senando Santiago na nasa likod ng nangyaring gawaan kaya kinausap din ito nina Helen.

“Ma’am babayaran ko ho ang lupa ng Php100.00 per sqm para maresolba ang problema. Huwag lang mabungkal ang isyung ito,” ayon umano kay Atty. Santiago.

Agad na nag-isip si Helen. May mga dumadaang truck ng basura sa nasabing kalsada papunta sa ‘landfill’ na pagmamay-ari ni Atty. Santiago.

“Wala kaming natanggap na humihingi sila ng permiso para sa paggawa ng kalsada. Kahit sulat walang dumating sa amin,” ani Helen.

Napag-alaman din nina Helen na ang ibang mga lupang nasaga­saan sa proyektong ito ay nabayaran na umano ni Atty. Santiago. Hindi na din daw nila magagamit ang lupa dahil buong basura ng Rizal ay nagdadaan dito at maliit na parte na lamang ang natira sa kanila.

“Gusto naming malaman kung sino ba talaga ang nag-utos niyan. Akala siguro nila walang may-ari pero dapat kinumpirma muna nila yun,” salaysay ni Helen.

Nais nina Helen na bayaran sila sa paggamit sa kanilang pag-aari.

“Dapat mula ng ginamit nila yan at hanggang sa ngayon ang bayaran nila. Hindi na namin mapapakinabangan yan dahil sementado na. Alangang ipatanggal namin ang kalsada,” pahayag ni Helen.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag tinawagan namin si Atty. Santiago. Ayon sa kanya hindi umano siya ang may-ari ng landfill. “Ang dami ko namang pera kung akin yun,” sabi pa ni Atty. Santiago. Kung may reklamo umano itong si Helen ay magpadala na lamang siya ng sulat sa munisipyo at DPWH. Nanindigan naman si Helen na si Atty. Santiago ang may-ari ng landfill dahil kinumpirma niya umano ito sa Securities and Exchange Commission (SEC) at pangalan ni Atty. Santiago ang lumalabas pero wala namang siyang ipinakita sa aming dokumento.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Helen.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pribadong pag-aari ay hindi maaaring kunin ng hindi nabibigyan ng tamang kabayaran. (No private property shall be taken for public use without just compensation).

Maraming paraan para malaman kung ang isang lupain ay may nakarehistrong may-ari. Maaari silang magpunta sa ‘Register of Deeds’ o sa Land Registration Authority (LRA) para iberipika ito.

Ang mga pwedeng managot dito ay ang may-ari ng landfill at ang ‘local government unit’ mula sa Mayor pababa. Bibilhin na lang ang lupa sa kanya. Ang sinasabi niyang bayaran siya mula nang gamitin ang lupa yan ay tila imposibleng mangyari.

Ini-refer namin siya kay Director Perla Duque ng  Department of Justice Action Center (DOJAC) at nakausap niya doon si Atty. de Belen. Tinulungan siyang gumawa ng sulat para tawagan ng pansin ang mga taong kanyang pinangalanan tungkol dito. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari ka­yong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

vuukle comment

ATTY

HELEN

KUNG

LUPA

NAMIN

NILA

PASIG CITY

RIZAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with