^

Punto Mo

‘Si lola at si pot pot’

- Tony Calvento - Pang-masa

“POT pot… Pot pot..” tunog na maririnig mula sa isang tao na hirap makapagsalita dahil sa isang karamdaman.

Nagsadya sa aming tanggapan si Jessica Isar, 38 anyos. Inirereklamo niya ang kanyang biyenan na si Lucille Ngo Yao, 70 taong gulang ng Caloocan City. Hindi raw makatao ang trato nito sa kanilang mag-ina simula ng mamatay ang kanyang mister na si “Johnny”. Kasama niya ang kanyang walong taong gulang na anak. Nakapikit ito at pilit na tinatakpan ng kanyang maliliit na daliri ang kanyang tenga habang ang kanyang lola ay aming kinakausap sa aming programa sa radyo. Tumutulo ang kanyang mga luha habang nakakunot ang mukha. Parang sumi­sigaw ang kanyang isip ng, “Ama.. Tama na!”. Ang “Ama” ay isang ‘salitang Chinese na ibig sabihin ay Lola sa Tagalog.

Ika-13 ng Desyembre 1997, nagkakilala si Jessica at Johnny. Bente uno anyos noon si Jessica at nasa 37 taong gulang naman si Johnny. Sa isang party sa Makati sila pinag-‘blind date’ ng kanilang mga kaibigan. Sinabi ni Johnny kay Jessica na siyam na taon na siyang hiwalay sa kanyang asawa. Kasal siya doon at merong isang anak. Mabait daw si Johnny at masarap kasama.  Ang lahat daw ng gusto ni Jessica ay nakita niya dito. Gusto raw ni Jessica na kung mag-aasawa siya ay yung mas matanda sa kanya para raw maalagaan siya. Nag-date sila sa ‘Nipa Hut Restaurant’ sa Pasig. Gamit ang kotse na pinahiram ng kumpanya kay Johnny sundo’t hatid itong si Jessica. Nagpaligaw si Jessica sa bahay nila upang makilala ni Johnny ang mga magulang niya. Tanggap naman ng mga ito na may anak na si Johnny. Si Johnny ang unang lalaki sa buhay ni Jessica.

Taong 2002, dinala siya ni Johnny sa Caloocan. Pinakilala kay Lucille. Pumupunta lang daw si Jessica kila Johnny tuwing may okasyon. Nalaman ni Jessica na kaya naghiwalay si Johnny at ang una nitong asawa ay dahil hindi raw nito nakasundo ang pamilya ni Johnny. Purong Chinese daw ang mga ito. Ika-28 ng Abril 2004, niyaya ni Johnny si Jessica na mag ‘live-in’ sila. Kagaya ng iba nahirapan si Jessica na pakisamahan ang biyenan.

“Siya yung tipo ng biyenan na laging naka-angil at malakas ang boses”, wika ni Jessica. Minsan pa nga raw binati ito ni Jessica, “Good morning Ma!” ngunit isang sigaw na sagot ang narinig niya, “Anong maganda sa umaga!?”. Nung una pa lang daw ay sinabihan na siya ni Johnny na may ugaling hindi maganda si Lucille. Nagtiis si Jessica. Ang dahilan niya ang kanyang asawa ang mahalaga. “Marunong magluto si Johnny. Siya ang namamalengke at ginigising na lang niya ako para kumain sa umaga kaya sobra ang pagmamahal ko sa kanya”, sabi ni Jessica. Bukod sa pakikisama sa kanyang biyenan naging pagsubok din kay Jessica ang sakit ni Johnny. Malakas daw kasi itong manigarilyo at uminom. Nakakaubos ng isang kaha sa loob ng isang araw. Unti unting namalat si Johnny, nanghina at hindi na nakapagsalita. Tumigil na itong magtrabaho bilang driver. Si Jessica na ang namahala sa kanilang negosyo na paghahatid sa mga estudyante. Hindi na makalunok ng pagkain si Johnny.

“Matagal na siyang nangako sa akin na titigilan niya na paninigarilyo pero ‘di niya ginawa”, sabi ni Jessica. Nagpa ‘check up’ sila sa doktor.  Ang sabi ay bubutasan daw ang leeg ni Johnny upang makakain ito ng maayos ngunit ayaw pumayag ni Johnny.

“Sabihin mo na lang Dok kung kailan ako mamamatay pero hindi ako  magpapabutas sa leeg”, wika raw ni Johnny.

Lumala ang sakit ni Johnny. Hindi na siya makapagsalita. Gumagamit na lang siya ng pinipindot na “Pot pot”. Sinyales na siya ay may kailangan. Sinusundan na lang nila ang buka ng bibig ni Johnny upang maintindihan ang gusto nitong sabihin.

Ika-22 ng Agosto 2012, binawain ng buhay si Johnny. Hindi pa man daw naihahatid sa templo ang abo ni Johnny ay sinabihan na sila ni Lucille na magbalot balot na para bakantihin ang bahay.  Binigyan lamang sila ng ‘40 days’ para lisanin ang lugar. Alas 5:30 ng umaga nagising si Jessica dahil sa isang malakas na katok sa gate. Pagbukas niya, ito ang kanyang biyenan. “Oh, bill ng tubig mo! Kelan mo babalaking umalis dito sa bahay?”, sabi raw ni Lucille. Sumagot si Jessica “Wag naman ganyan Ma. Kamamatay lang ni Johnny”. Sumbat umano ni Lucille, “Yun na nga eh, patay na si Johnny kaya pinapalayas na kita”.

Pakiramdam ni Jessica ay hinaharas na siya nito. Maging ang anak niya ay may trauma na rin sa lola nito. Nagtatago kapag nakikita ang matanda. Ika-21 ng Oktubre, nagpunta siya sa barangay upang malaman kung anong dapat gawin. Nagulat na lamang siya ng kausapin sya ni Kagawad Yolly at sinabing nagpunta na raw ang kanyang biyenan noon pa upang siya ay ireklamo.

“Hindi ko kinukuha ang bahay. Ang gusto ko lang ay tumira muna dun habang hindi pa kami handa. Wala ka bang kahit gatuldok na karapatan ang bata rito sa bahay? Anak naman namin ito ni Johnny!”, tanong ni Jessica.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 – 4:00 ng hapon).

Bilang tulong ay tinawagan namin mismo si Lucille. Sinabihan daw siya ni Jessica na mukhang pera at plastik. Kahit daw minsan hindi niya ito nautusan. Ang tunay na manugang sa kanya ay yung legal na asawa ni Johnny. Nag umpisa lang daw ang kanilang away dahil sa tsimis. Magkatabi lang daw ang kanilang bahay ngunit hindi siya kinakausap ni Jessica tungkol sa sakit ni Johnny. Ang bahay daw na kanilang tinitirhan ay pagmamay ari ng simbahan. Pinagparte  lang daw niya ito noon. Lahat din daw ng pinundar ni Johnny tulad ng sasakyan at appliances ay na kay Jessica na maging ang sa abuloy ay may parte daw si Jessica.

Pinapaalis na nga raw niya si Jessica. “Syempre wala na ang anak ko. Sa amin sa Chinese kapag namatay ang asawa biyuda talaga. Ang gusto ko lang habang bata siya bumukod na siya. Masama na ang asawa ko, masama na ang anak ko? Ngayon ang gusto ko ay tahimik na buhay”, sabi ni Lucille.

Nakiusap si Lucille na mag­haharap muna sila sa barangay at kung ano ang kanilang mapagkasunduan ay agad silang lalapit sa amin upang maayos ang gulo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pareho silang mga mali.  Ang simbahan lang ang magpapasya kung sino ang kanilang paalisin sa mga bahay na kanilang pinarte at ibinigay para matirhan. Hindi rin tama na nari­rinig ng bata ang kanilang pagtatalo. Maari niya itong dalhin at maipasa sa kaniyang mga anak dahil ito ang kanyang nakikita at lumalaki siya sa ganitong klase ng kapaligiran.

Tatatak sa bata ang ganitong uri ng masamang karanasan. Kahit na hindi magkasundo ang magbiyenan sana ay maisip nila na magkaayos alang-alang manlang sa bata. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166, 09213784392 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

vuukle comment

DAW

IKA

JESSICA

JOHNNY

KANYANG

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with