2 coast guard utas sa ambush

MANILA, Philippines — Dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasawi makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang riding in tandem na mga armadong salarin ang kanilang behikulo sa naganap na ambush sa Poblacion 6, Cotabato City nitong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ang mga nasawi na sina SN2 Reniel Agpalo, taga-Nueva Ecija na nagtamo ng tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo at ASN Luther Jhon Vitor ng Butuan City na nagawa pang maisugod sa Cotabato Regional and Medical Center, pero binawian ng buhay matapos ang ilang sandali.
Samantalang suwerte namang nakaligtas sa insidente ang kanilang station Commander na si Lt.Commander John Paul Cabarrubis na nagawang makalabas ng behikulo sa unang bugso pa lamang ng pamamaril ng mga suspect.
Sa report ng Cotabato City Police, sakay ang mga biktima ng kanilang behikulong isang kulay maroon na Toyota Innova kasama ang kanilang Station Commander patungo sana sa PCG Cotabato City Station nang tambangan ng mga suspect na lulan naman ng isang kulay itim na Honda XRM pagsapit sa Roman Vilo Street, Poblacion 6 ng lungsod dakong alas-12:28 ng tanghali.
Ayon sa pulisya, sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa lugar kung saan napuruhan sa insidente ang dalawang biktima.
Matapos ang pamamamaril sa mga biktima ay mabilis namang nagsitakas ang mga suspect na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lugar.
Kasalukuyan na ring sinisilip ng pulisya ang posibilidad na personal na alitan sa trabaho ang motibo ng krimen.
Patuloy rin ang masusing imbestigasyon sa insidente at sinusuri na rin ang CCTV footage sa pinangyarihan ng krimen upang maresolba ang kaso.
- Latest















